Nakatuon na ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa pagbusisi at pagsisiguro ng mga ebidensiya kaugnay sa pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary na si Maria Catalina Cabral, matapos matagpuan ang kaniyang bangkay sa Benguet.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Disyembre 21, 2025, sinabi ni PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Nartatez Jr. na iniimbestigahan na ang driver ni Cabral matapos umano nitong iwan ang dating opisyal ng DPWH noong Huwebes, Disyembre 18 sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet, ayon sa hiling mismo ng biktima.
“With the confirmation of her death, we were able to clear things up on the speculations of the identity of the remains. The next step is to establish what really happened, and this is now the focus of all our efforts in relation to this case,” ayon kay Nartatez.
Si Cabral, na dating undersecretary ng DPWH para sa planning at public-private partnerships, ay idineklarang patay madaling araw ng Disyembre 19. Natagpuan siyang “unconscious and unresponsive” sa tabi ng Bued River, humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng Kennon Road, isang araw bago ito.
KAUGNAY NA BALITA: Dating DPWH Usec. Cabral, pumanaw matapos mahulog umano sa bangin
Inatasan na rin ng Office of the Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na isiguro ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral bilang bahagi ng imbestigasyon.
Samantala, nagsagawa rin ng paghahalughog ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cordillera Administrative Region sa hotel room sa Baguio City kung saan pansamantalang nanunuluyan ang dating DPWH undersecretary upang makakalap ng ebidensiyang may kaugnayan sa mga pangyayari bago ang kaniyang pagkamatay.
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Independent Commission for Infrastructure at iba pang ahensiya upang matukoy ang mga ebidensiyang kailangang masiguro kaugnay ng iniimbestigahang flood control projects.
Upang maiwasan ang anumang pagkukulang, iniutos na rin ni Nartatez ang mas mahigpit na pagbabantay at superbisyon sa mga lokal na pulis na humahawak sa kaso, kasunod ng pagkakatanggal sa puwesto ng hepe ng pulisya ng Tuba, Benguet.
“This is not only to clarify the circumstances of her death but also to support our ongoing probe into the alleged flood control anomalies in the DPWH so that no evidence is left unchecked,” ayon pa kay Nartatez.
KAUGNAY NA BALITA: ICI, nais paimbestigahan pagkamatay ni Ex-DPWH Usec. Cabral para matiyak na walang 'foul-play'