Nagbahagi ng pakikiramay si Antipolo City Mayor Jun Ynares matapos ang napaulat na pagpanaw ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop noong Sabado, Disyembre 20.
Sa inilahad na social media post ni Ynares nitong Linggo, Disyembre 21, mababasa ang papuri nito kay Rep. Acop. Aniya, isa raw itong tunay na haligi ng serbisyo.
“Nakikiisa po tayo sa pagdadalamhati at taos-pusong nakikiramay sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kasamahan ng yumaong Congressman Romeo ‘Romy’ Acop, Kinatawan ng 2nd District ng Antipolo,” panimula ni Ynares.
Dagdag pa niya, “Si Cong. Romy ay hindi lamang lingkod-bayan kundi isang tunay na haligi ng serbisyo. Malaki ang kanyang naiambag sa ating lungsod. Salamat po Cong Romy. Ang inyong buhay ay mananatili sa puso naming mga Antipoleño.”
Humiling din ng mga panalangin ang punong-lungsod para sa kapayapaan ng kaluluwa nito, at lakas ng loob para sa pamilyang kaniyang naulila.
Ilang mga mambabatas na ang naunang nagpahayag ng kanilang pagdadalamhati at pakikiramay sa pagpanaw ng naturang kongresista.
“Sa bawat tungkuling kanyang ginampanan, malinaw ang kanyang paniniwala na ang batas ay para sa kapakanan ng mamamayan at ang kapangyarihan ay pananagutan, hindi pribilehiyo,” saad ni House Speaker Bojie Dy.
MAKI-BALITA: 'Huwaran ng integridad!' House Speaker Bojie Dy, nakiramay sa pagpanaw ni Rep. Romeo Acop-Balita
“We are saddened by the passing of Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop. Our prayers and condolences go to his family and loved ones,” ani De Lima.
MAKI-BALITA: 'He served his country well!' Rep. De Lima, nagluksa sa pagpanaw ni Rep. Romeo Acop-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Mayor Ynares sa namayapang si Rep. Acop: 'Malaki ang kaniyang naiambag sa ating lungsod!'
Photo courtesy: Jun Ynares/IG, via MB