December 22, 2025

Home BALITA

Ilang mambabatas, nais paimbestigahan delayed flights sa mga airport sa bansa

Ilang mambabatas, nais paimbestigahan delayed flights sa mga airport sa bansa
Photo courtesy: via MB

Naghain ng isang resolusyon ang tatlong mambabatas upang imbestigahan ang mga pagkaantala, kanselasyon, at paglihis ng mga biyahe sa eroplano, kasabay ng pagdami ng mga pasahero ngayong holiday break.

Sina 1Tahanan Party-list Rep. Nathan Oducado, Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah Fernando, at Northern Samar 1st District Rep. Nikko Daza ang naghain ng House Resolution No. 596 na humihiling ng mga pagdinig kaugnay ng iskedyul ng mga flight at presyo ng tiket.

Ayon kay Oducado, “Nakakalungkot na ang mga peak travel season na tulad nito ay nagiging panahon din ng napakaraming reklamo tungkol sa biglaan at labis na pagtaas ng presyo ng airline tickets, malawakang pagkaantala ng mga flight, kanselasyon, at paglihis ng mga biyahe.”

Hinihikayat sa resolusyon ang House Committee on Transportation na imbestigahan ang “pagpapatupad at kasapatan ng umiiral na mga polisiya sa proteksyon ng mga pasahero ng eroplano sa mga kaso ng naantalang, kinansela, at nailihis na mga flight,” partikular ang papel ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Civil Aeronautics Board (CAB), at Department of Transportation (DOTr).

National

Principled partner sa Quad Comm: Benny Abante, nagbigay-pugay kay Romeo Acop

Sinabi ni Oducado na makatutulong ang isasagawang imbestigasyon sa pagtalakay ng House Bill No. 3303, na layong magtatag ng malinaw na karapatan ng mga air passenger at magbigay ng kompensasyon sa mga naantalang at kinanselang biyahe.

Dagdag pa niya, “Gusto rin naming tingnan kung ginagampanan ng mga airline company ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng napapanahong impormasyon, refund at rebooking, kompensasyon, at espesyal na konsiderasyon para sa mga vulnerable na pasahero gaya ng mga nakatatanda, bata, at persons with disabilities.”