Naglabas ng opisyal na pahayag si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III upang ipahayag ang taos-pusong pakikiramay ng House of Representatives sa pagpanaw ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, noong Sabado ng gabi, Disyembre 20, subalit kinumpirma lamang nitong Linggo ng umaga, Disyembre 21.
Ayon kay Dy, lubos na ikinalulungkot ng buong Kamara ang pagkawala ni Acop, na aniya’y isang lingkod-bayan na tapat, matapang, at may matibay na paninindigan. Inilarawan niya ang yumaong mambabatas bilang huwaran ng integridad sa serbisyo publiko.
“Sa bawat tungkuling kanyang ginampanan, malinaw ang kanyang paniniwala na ang batas ay para sa kapakanan ng mamamayan at ang kapangyarihan ay pananagutan, hindi pribilehiyo,” pahayag ng House Speaker.
Dagdag pa ni Dy, malaking kawalan ang pagpanaw ni Acop hindi lamang para sa Kongreso ng Pilipinas, kundi maging para sa lungsod ng Antipolo at sa sambayanang Pilipino.
Gayunman, iginiit niyang mananatili at magsisilbing gabay ang iniwang halimbawa ng yumaong kongresista bilang isang marangal at tapat na lingkod-bayan.
Nagpahayag din ang House Speaker ng pakikiisa sa pagluluksa ng pamilya, mga kaibigan, at mga minahal sa buhay ni Acop.
“Maraming salamat, Cong. Romeo Acop. Ang inyong serbisyo, dangal, at mga makabuluhang kontribusyon ay hindi namin malilimutan,” pagtatapos ni Dy.
Ang pahayag ay inilabas nitong Disyembre 21, kasabay ng pakikiramay ng Kamara sa naulilang pamilya at sa mga nasasakupan ng yumaong mambabatas.
Kinumpirma ni Antipolo City 1st district Rep. at House Deputy Speaker Ronaldo Puno, at chairman ng National Unity Party (NUP), ang pagkamatay ni Acop, na isa sa mga itinuturing nilang haligi sa partido, batay sa ipinadalang mensahe sa reporters nitong Linggo, Disyembre 21.
Batay sa mga ulat, bandang 10:12 ng Sabado ng gabi, Disyembre 20, nang matagpuan umano si Acop na nakahandusay sa sahig ng kaniyang bunsong anak na si Dr. Karla Marie Acop at ng kaniyang security aide na si Pat Frank Louie Pastrana, matapos mag-doorbell ang nurse ng mambabatas mula sa silid nito. Isinugod siya sa nabanggit na ospital subalit umano'y idineklarang patay na dakong 10:56 ng gabi. Napag-alamang atake sa puso ang ikinamatay ng mambabatas.
Kaugnay na Balita: Romeo Acop, pumanaw na; natagpuang walang malay sa kuwarto