Tinanggihan ng mga biktima ng giyera kontra droga ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa impormasyon ng mga kalahok bilang prosecution witnesses sa kaso niya sa International Criminal Court (ICC).
Kasalukuyang nakapiit si Duterte sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
Batay sa eight-page public redacted document noong Sabado, Disyembre 19, na pinamagatang "Victims' Response to the “Defence request with respect to Group A participants,” pinangatwirnan ni Paolina Massidda na posible umanong makompromiso ang kaligtasan ng mga biktima sa apela ni Duterte.
Si Massidda ang tumatayong principal counsel ng Office of Public Counsel for Victims.
“In other words, the information the Defence seeks would potentially lead to full disclosure of the identifying information of the victims belonging to Group A,” saad sa dokumento.
Dagdag pa rito, “[G]ranting the relief sought by the Defence will risk the security and well-being of the victims in violation of rule 89(1) of the Rules and article 68(1) of the Statute.”
Matatandaang humiling sa Pre-Trial Chamber I ang lead defense counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na ipabatid kung may aplikanteng drug war victim sa Group 1 ang konektado sa mga binanggit sa isang section ng Article 15 communication ni ICC Prosecutor Karim Khan na napawalang-bisa mula sa kaso ng dating Pangulo.
Ang tinutukoy umano ni Kaufman ay ang seksyong pinamagatang “Individual Incidents.”
Binigyang-diin ng legal defense counsel ni Duterte na ang pagsisyasat na ginawa sa ilalim ni Khan ay “kontaminado.”
Ito ay dahil umano sa magkasalungat na obligasyon ni Khan kabilang ang nakalipas na pagkatawan niya sa dating mga kliyente na umano’y mga biktima ng drug war ng dating Pangulo.