Nag-uwi ng karangalan kamakailan para sa Pilipinas ang Filipino-American na si Elijah Cole matapos masungkit ang bronse sa Men’s Pole Vault ng Southeast Asian Games 2025, na ginanap sa Thailand.
Sa ika-33 edisyon ng palaro na nagsimula noong Disyembre 9 at nagtapos noong Disyembre 20, ipinamalas ng 27-anyos na atleta ang determinasyon at tibay ng loob sa finals na idinaos noong Disyembre 16.
Pero bukod sa medalya, naging usap-usapan din si Cole sa social media dahil sa kaniyang "face card" o looks na artistahin, kung papalarin. Tipikal namang nangyayaring may mga atletang nakakapasok sa showbiz.
Maliban sa mga nabanggit, pinagdiskitahan din ng mga netizen ang pangalan at apelyido ng atleta, na dinogshow naman ng mga netizen online.
Mababasa ito sa comment section ng congratulatory post ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa kanilang dalawa ni EJ Obiena.
"Tough task done: EJ Obiena and Elijah Cole displayed Philippine domination in Men’s Pole Vault at the 33rd Southeast Asian Games – finishing gold and bronze, respectively."
"This is EJ's 4th SEA Games title. Patuloy ang paglipad ng Pilipinas! Salamat sa karangalang, EJ and Elijah!" mababasa sa post.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens para kay Elijah:
"Congrats! Pero, how to unsee? eliJAH COLE."
"Face card more than Gold."
"Congratulations to the proud parents! Mam Gina Cole Sir Jack Cole!"
"Naalala ko tuloy si Tiyo Paeng"
"Interesting name"
"gwapo"
"May future 'to..."
Dahil dito, lalong tumindi ang interes ng mga Pilipinong tagahanga na mas kilalanin ang atleta—mula sa kaniyang pinagmulan hanggang sa mga kuwentong kumakalat tungkol sa personal na buhay.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Cole ang naging takbo ng kaniyang paghahanda para sa SEA Games.
Ayon sa kaniya, naging maigsi ang oras ng ensayo ngunit sinikap niyang ihabol ang kondisyon bago ang kompetisyon. Aniya, kung nagkaroon pa sana siya ng isa pang meet bilang pampatanggal-kalawang, mas maayos sana ang naging resulta.
Ipinahayag din ni Cole ang taos-pusong pasasalamat sa suportang natanggap mula sa pamilya at sa mga Pilipinong nanood sa venue. Sa pakikipag-usap niya sa One Sports correspondent na si Alyssa Valdez, inamin niyang malaki ang naitulong ng sigawan at presensya ng crowd, lalo na sa huling tangkang pagtalon.
Hindi rin nakaligtaan ng bronze medalist na kilalanin ang papel ng SEA Games gold medalist at kapwa pole vaulter na si EJ Obiena, na nagbigay umano ng mahahalagang payo at lakas ng loob bago at habang isinasagawa ang laban.
Sa kabila ng limitadong paghahanda, itinuring ni Cole ang karanasan bilang mahalagang hakbang sa kaniyang karera—at bilang patunay na ang suporta ng sambayanan ay kayang magtulak sa isang atleta tungo sa podium.