Kailan mo huling pinalitan mga punda mo?
Isa ang proper hygiene sa mga importanteng aspeto ng buhay dahil tumutukoy ito sa kalinisan at proteksyon ng katawan laban sa mga mikrobyo at sakit.
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng University of Chicago News, bukod sa physical hygiene, mayroon ding tinatawag na sleep hygiene, na tumutukoy sa mga nakagawiang gawain para sa mas maayos na pagtulog.
Sa nasabi ring pag-aaral, katulad ng pagkain, tubig, at hangin, importante rin ang maayos na tulog para mabuhay ang mga tao dahil dito nagkakaroon ng growth at repair ang katawan, habang nagpapahinga.
Kung kaya’t isa sa mga susi sa pagkakaroon ng “quality sleep” ay ang malinis na mga punda o sapin ng kama at mga unan, na nakatutulong din para maiwasan ang allergies at paglala ng hika.
Gaano kadalas ba dapat nagpapalit ng mga punda?
Ayon sa Sleep Foundation, mainam na gawin ang paglalaba at pagpapalit ng mga punda, isang beses sa isang linggo, dahil naiipon dito ang mga dumi, dead skin cells, body oils, pawis, at dust mites, na nagdudulot ng iritasyon sa balat.
Lalo na kung mainit ang panahon dahil sa mas marami at madalas na pagpapawis na kumakapit sa mga punda, mula sa balat.
Ayon pa sa Sleep Foundation, para sa mga may iba pang bedding, narito ang inaabisong dalas ng paglalaba at pagpalit:
Duvet covers - isang beses kada dalawang linggo hanggang isang buwan.
Comforters - isang beses kada dalawang hanggang tatlong buwan.
Blankets o Kumot - isang beses kada dalawa hanggang tatlong buwan.
Unan (kung nalalabhan) - isang beses kada apat hanggang anim na buwan.
Inaabiso rin ng foundation na linisin ang kama kada anim na buwan para mas maging matagal ang maayos na kalidad nito.
Tuwing anim hanggang walong taon naman daw ang pagpapalit ng mismong kama.
Mahalagang tandaan na ang pagkakaroon ng malinis na paligid at maayos na pagtulog ay magkaakibat para mapangalagaan ang sarili mula sa mga sakit at mas mapagbuti ang kalidad ng buhay kahit na sa mga simpleng paraan tulad ng pagpapalit at paglilinis ng mga punda.
Sean Antonio/BALITA