December 21, 2025

Home BALITA

Viral photo ng driver ni ex-DPWH Usec. Cabral, kumpirmado na!—SILG Remulla

Viral photo ng driver ni ex-DPWH Usec. Cabral, kumpirmado na!—SILG Remulla
Photo courtesy: Contributed photo

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ang selfie na kumakalat sa social media na nagpapakita kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral ay kuha mula sa cellphone ng kaniyang driver.

Ayon kay Remulla, kuha ang larawan bandang alas-8 ng umaga noong Huwebes, Disyembre 18, 2025, bago bumiyahe patungong Baguio City sina Cabral at ang kaniyang driver at bago sila nag-check in sa isang hotel.

“Meron (photo) nakuha yun sa telephone ng driver niya, that’s verified,” pahayag ni Remulla.

“During the morning nung bumaba siya ng 8 o’clock kung hindi ako nagkakamali,” dagdag pa niya.

Hindi totoo! Atty. Torreon, sinagot umano’y pagdating ng arrest warrant para kay Sen. Bato

Pumanaw si Cabral noong Huwebes ng gabi matapos umano siyang mahulog sa isang malalim na bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet.

KAUGNAY NA BALITA: Dating DPWH Usec. Cabral, pumanaw matapos mahulog umano sa bangin

Si Cabral ay umano ring nasangkot sa pagbibigay ng mga tinatawag na “allocables” o mga proyektong isiningit sa National Expenditure Program, isang umano’y modus na ginamit upang kurakutin ang bilyong pisong pondo ng pambansang badyet sa mga nagdaang taon.

Nauna nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ang driver ni Cabral, na huling nakitang kasama nito, ay itinuturing na ngayong “person of interest” sa kaso ng kanyang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, isasailalim sa hanggang 36 oras na pagsusuri ang driver bilang bahagi ng imbestigasyon upang matukoy ang posibleng kinalaman nito at linawin ang mga pangyayari sa pagkamatay ni Cabral.

Sinabi naman ni Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ang mga naging kilos ng driver, tulad ng pag-iwan umano sa kanyang amo sa isang liblib na lugar nang wala ang cellphone at bag nito, ay taliwas sa “human nature.”