Nagbigay ng paalala ang komedyanteng si Tuesday Vargas sa mga may kamag-anak na Overseas Filipino Workers (OFWs) ngayong paparating ang Pasko.
Sa isang Facebook post ni Tuesday noong Biyernes, Disyembre 19, gumawa siya ng isang maikling video na naglalarawan sa buhay ng isang OFW kalakip ang paalala.
“Mahirap maging isang OFW,” panimula ni Tuesday. “Bukod sa matinding pagod sa trabaho at pakikibagay sa ibang kultura, mabigat ang kalungkutan nila lalo na ngayong pasko.”
“Kamustahin natin sila at huwag lamang hingian o gawing ATM. Sila ay bahagi ng ating pamilya na deserving din ng ating pagmamahal at concern,” pagpapatuloy niya.
Kaya payo ng komedyante, “Ipadama natin na hindi lamang sa oras na kailangan natin sila saka tayo mag uusap. Ngayong pasko, malasakit at unawa ang kailangan nilang mga pamilya nating malayo sa atin.”
Matatandaang pinaalala na rin kamakailan ni Tuesday na hindi kinakailangang sapilitan ang pagbibigay ng regalo ngayong Pasko.
Iginitt niyang ang pinakamagandang regalo umano ay hindi matatagpuan sa ilalim ng Christmas tree, kundi sa pusong may diwa ng Pasko.
Maki-Balita: Tuesday Vargas, may paalala sa Pasko: Hindi mandatoryo ang pamimigay ng regalo