December 22, 2025

Home BALITA National

'Small Fish?' Mayor Vico Sotto, nagpaalalang 'wag kagatin propaganda ng mga Discaya

'Small Fish?' Mayor Vico Sotto, nagpaalalang 'wag kagatin propaganda ng mga Discaya
Photo courtesy: Mayor Vico Sotto (FB), MB FILE PHOTO

Pinaalalahanan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang publiko na huwag daw magpadala sa umano’y propaganda ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya na “small fish” lang ang mga ito. 

Ayon sa isinapublikong video statement ni Sotto sa kaniyang Facebook account nitong Sabado, Disyembre 20, sinabi niyang huwag kumagat ang taumbayan sa mga Discaya. 

“‘Wag sana nating kagatin ang propaganda ng mag-asawang Discaya na sila ay ‘small fish’ o ‘biktima’ lamang,” pagsisimula niya. 

Ani Sotto, aabot sa  ₱180 billion ang naitala ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pumasok sa mga bank accounts ng mag-asawang kontratista mula sa apat (4) palang nilang kumpanya. 

National

Principled partner sa Quad Comm: Benny Abante, nagbigay-pugay kay Romeo Acop

“Sabi ng AMLC mahigit ₱180 billion ang pumasok sa mga bank account nila. Apat sa siyam na kumpanya pa lang nila ang pinag-uusapan natin,” diin niya. 

Dagdag pa niya, “Kung susuriin natin ng mabuti, hindi lang sila basta contractor sila ay naging tagapagpasimuno.” 

Isiniwalat din ni Sotto ang umano’y mga pakikipag-ugnayan noon ng mag-asawang Discaya sa mga congressman at chief of staffs para magpresenta at mag-alok ng advance, porsyento, at SOP. 

“Hindi lang isang administrasyon ang dinaanan nila. Lagi nilang pinupuntahan ‘yong mga congressman, magpapa-meeting ng mga chief of staff, tapos pinipresenta nila ‘yong mga available na DPWH budget,” saad niya. 

“Lantarang nag-aalok ng advance, porsyento, SOP,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, nauna na ring sabihin ni Sotto sa kaniyang video statement na sana raw marami pang mahuli at managot sa maanomalyang korapsyong naganap sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 

“Sana mas marami pang mahuli at mapanagot isipin na lang din natin, six months ago ni-hindi natin alam na ganito na pala kagrabe ‘yong nangyayari sa mga DPWH projects,” anang alkalde. 

“Six months ago, akala ng mga Discaya at ng maraming pang iba na wala nang makakagalaw sa kanila. Impunity,” pahabol pa niya. 

MAKI-BALITA: Mag-asawang Discaya, iniharap sa DOJ kaugnay ng reklamong ₱7.1 bilyong tax evasion

MAKI-BALITA: Lahat ng gambling advertisement, ekis na sa lungsod ng Pasig City

Mc Vincent Mirabuna/Balita