December 20, 2025

Home BALITA Probinsya

Pari sa Baguio, himas-rehas ng 20-40 taon dahil sa panggagahasa sa menor de edad

Pari sa Baguio, himas-rehas ng 20-40 taon dahil sa panggagahasa sa menor de edad

Hinatulan ng reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taong pagkakabilanggo ang isang pari sa bawat kaso ng panggagahasa sa isang 16-anyos na estudyanteng iskolar ng Diocese ng Baguio.

Kinilala ang nasabing pari na si Father Mark E. Batolne, na pinatawan ng sentensiya ni Presiding Judge Modesto D. Bahul Jr. ng Regional Trial Court Branch 2.

Ayon sa abogado ng biktima, naganap ang mga pang-aabuso sa silid na tinitirhan ng dalagita sa loob ng compound ng Diocese ng Baguio noong Marso 2023.

 Sa panahong iyon, si Batolne ay nagsisilbing finance administrator ng Diocese ng Baguio at general manager ng Catholic-run Mountain Province Broadcasting Company (MPBC) at Montanosa Pastoral Resources Corp., na namamahala sa Porta Vaga mall sa tabi ng Baguio Cathedral.

Probinsya

Mag-anak na sakay ng motorsiklo, todas matapos salpukin ng rumaragasang van

Sa desisyon ng korte, napatunayang guilty ang pari sa ilalim ng Articles 266-A at 266-B ng Revised Penal Code, matapos mapatunayang gumamit umano siya ng kutsilyo upang takutin ang biktima.

Nabatid na anim na beses umanong ginahasa ang biktima noong Marso 2023. Lumabas din sa rekord ng kaso na nagtago ang pari nang malaman niyang magsasampa ng reklamo ang dalagita noong Hunyo 2024.

Bukod sa pagkakakulong, inatasan din ang pari na magbayad ng kabuuang ₱225,000 bilang danyos sa biktima, na binubuo ng ₱75,000 civil indemnity, ₱75,000 moral damages, at ₱75,000 exemplary damages, na lahat ay may anim na porsiyentong taunang interes mula sa pagiging pinal ng hatol hanggang sa ganap na mabayaran.