Isiniwalat sa publiko ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi pa rin daw tumitigil sa paggawa ng umano’y kasamaan ang mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya.
Ayon sa inilabas na video statement ni Sotto sa kaniyang Facebook account nitong Sabado, Disyembre 20, sinabi niyang patuloy pa rin daw sa pagsisinungaling at paiba-iba ang kuwento ng mga Discaya.
“Sana magsisi sila at magsabi na ng buong katotohanan pero sa nakikita natin parang wala talaga silang pagsisisi,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Patuloy pang nagsisinungaling. Paiba-iba ang kuwento. Noong una, yumaman sa DPWH. Sa dulo, maliit ang kita sa DPWH minsan lugi pa daw. Noong una, binanggit si [dating] Speaker Martin pati si Zaldy. Sa dulo, ngayon, wala naman daw silang alam doon.”
Ani Sotto, mabuti na lang daw at nauna nang ipangalandakan ng mag-asawang Discaya sa publiko ang umano’y nakaw na yaman nila kaya nahalata ang mga ito.
Pagpapatuloy pa niya, gumagawa pa rin daw ng kasamaan ang nasabing mag-asawa sa pamamagitan ng paghingi ng pera sa mga congressman at pananakot sa mga empleyado para hindi sila tumestigo.
“Gumagawa pa rin sila ng kasamaan. Dalawang congressman na ang nagkwento sa akin na humihingi sila pera para, cash, kapalit ng hindi pagsama sa kanila sa listahan o doon sa ledger,” aniya.
“Ilan na rin ang nagkwento sa akin na tinatakot pa rin nila ang dati nilang empleyado para hindi tumestigo laban sa kanila. Blackmail,” pagdidiin pa niya.
Saad pa ni Sotto, patuloy lang daw na gawin ng taumbayan ang kaniya makakaya para managot ang mga dapat managot.
“Huwag tayong tumigil. Patuloy nating gawin ang lahat ng makakaya natin para mapanagot ang dapat managot. We will have something to contribute, let’s do our part,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: 'Small Fish?' Mayor Vico Sotto, nagpaalalang 'wag kagatin propaganda ng mga Discaya
MAKI-BALITA: 'Sarah, Curlee Discaya, tinuruan n’yo mga anak n’yong magnakaw!'—Mayor Vico Sotto
Mc Vincent Mirabuna/Balita