Trahedya ang sinapit ng isang pamilya matapos masawi ang tatlong katao sa aksidente sa kalsada sa Pola, Oriental Mindoro.
Ayon sa mga awtoridad, isang van na umano’y mabilis ang takbo ang bumangga sa isang motorsiklo na sinasakyan ng mag-asawa at kanilang batang anak.
Kinilala ang mga nasawi bilang isang 34-anyos na babae, ang kaniyang 35-anyos na asawa na nagmamaneho ng motorsiklo, at ang kanilang 10-anyos na anak na lalaki.
Idineklara silang dead on arrival sa Grace Mission Hospital na pawang mga residente ng Barangay Pahilahan sa Pola.
Batay sa ulat, sakay ng motorsiklo ang mag-anak patungo sa isang transport terminal na may biyahe papuntang Calapan City, nang banggain sila mula sa likuran ng van.
Minamaneho ang van ng isang 39-anyos na lalaki na umano’y papunta sa bayan ng Socorro upang sunduin ang kanyang asawa. Ayon sa driver, nabangga umano ng isa pang motorsiklo ang likuran ng kanyang sasakyan kaya siya biglang nagpreno, dahilan upang umikot ang van at bumangga sa motorsiklo sa unahan.
Gayunman, sinabi ni PMaj. Florante Sugian II, hepe ng Pola Municipal Police Station, na walang ebidensiyang sumusuporta sa pahayag ng driver na may isa pang motorsiklong bumangga sa van mula sa likuran.
Dagdag pa ng pulisya, ipinakita ng kuha sa CCTV na mabilis nga ang takbo ng van sa madulas na aspalto dahil sa maulang panahon.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon sa kalsada ang mga biktima, tuluyang nawasak ang kanilang motorsiklo, at nahulog sa kanal sa gilid ng kalsada ang van. Nasagi rin nito ang ilang nakaparadang traysikel at motorsiklo.
Nasugatan din ang isang 59-anyos na babae matapos matamaan ng mga debris habang bumibili sa isang malapit na tindahan.
Inaresto na ang driver ng van at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.