Pinabulaanan ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ang pahayag ng broadcast journalist na si Ramon Tulfo na umano’y aarestuhin ang senador nitong Sabado, Disyembre 20, 2025.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Tulfo na mayroon umanong arrest warrant laban kay Dela Rosa at tukoy na umano ng mga awtoridad ang kinaroroonan nito.
Ayon kay Tulfo, “Aarestuhin na si Sen. Bato dela Rosa ng pulisya ngayong araw… Tukoy na ng mga awtoridad kung saan lungga siya nagtatago.”
Gayunman, itinanggi ito ni Torreon at sinabing matapos niyang kumpirmahin ang impormasyon mula sa mga awtoridad, hindi totoo ang nasabing pahayag.
Ayon sa abogado, “Hindi ko alam na appointed na pala as spokesperson ng PNP si Sir Mon Tulfo? We tried to confirm it from official sources, hindi naman po totoo.”
Dagdag ni Torreon, walang katotohanan ang sinasabing arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban sa senador. Aniya, ang pagkalat ng ganitong impormasyon ay nagdudulot ng pangamba at nerbyos sa pamilya ni Sen. dela Rosa.
Sa oras ng pagsulat ng balitang ito, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Philippine National Police (PNP) o iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil sa umano’y pag-aresto kay Dela Rosa.