Sa makipot at mataong eskinita ng Divisoria, sabay-sabay ang sigaw ng mga tindero, ang ingay ng trapiko, at ang halakhak ng mga namimili para sa Pasko. Ngunit sa likod ng makukulay na paninda, tahimik na inaamin ng ilang vendor na hindi na kasing-lakas ng dati ang bentahan ngayong Kapaskuhan.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, para kay Rogelio Cruz, 45-anyos na halos 15 taon nang nagtitinda ng mga damit sa Divisoria, malinaw ang pagbabago ng panahon.“Dati, kahit umaga pa lang, sunod-sunod na ang bumibili. Ngayon, madalas nagtatanong lang tapos sasabihin, mas mura raw online,” ani Rogelio.
Aminado si Rogelio na mas mababa ang kita niya ngayong taon kumpara sa mga nagdaang Pasko. May mga araw umanong kalahati lang ng inaasahang benta ang pumapasok. Gayunman, hindi nito tuluyang pinapatay ang kainyang sigla.
“Medyo lugi, oo. Pero kapag may isang customer na bumibili ng maramihan, parang panalo na rin ang buong araw,” aniya.
Bukod kay Rogelio, ganoon din ang sentimyento ni Marites Dela Peña, 38, sa pag-aayos ng mga laruan—mga manika, kotse, at stuffed toys na karaniwang hinahanap ng mga bata tuwing Pasko.
Para sa kaniya, ramdam ang bagsik ng online selling, lalo ngayong holiday season na inaabangan ng lahat ng mga tindera.
“Marami na talagang umaasa sa app. Sale, voucher, free delivery—hirap tapatan,” sabi niya.
Ngunit para kay Marites, may bagay na hindi kayang ibigay ng online shopping.
“Iba pa rin yung batang humahawak ng laruan, titingin sa magulang, tapos ngingiti. Doon mo mararamdaman na Pasko na,” saad ni Marites.
Sa kabila ng mas mababang kita, parehong sinasabi nina Rogelio at Marites na mas pinili nilang ituon ang pansin sa kung anong mayroon, kaysa sa kung anong kulang.
“Hindi man ganun kalaki ang benta, may trabaho pa rin, may panghanda kahit simple,” ani Rogelio.
Para kay Marites, sapat na ang makauwi sa probinsya at makapiling ang pamilya.
“Ang Pasko, hindi lang naman tungkol sa benta. Tungkol ‘yan sa pasasalamat,” wika niya.
Sa gitna ng pagbabago ng panahon at teknolohiya, nananatiling buhay ang diwa ng Pasko sa Divisoria—hindi man sa dami ng kinita, kundi sa tibay ng loob at saya ng mga tindero na patuloy na lumalaban, nagtitinda, at nagdiriwang.