Siniguro ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala umanong makakatakas sa batas at maibabalik ng mga sangkot sa katiwalian ang perang ninakaw ng mga ito sa kaban ng bayan.
Sa ibinahaging video statement ni PBBM noong Huwebes, Disyembre 18, kinumpirma niya ang pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kontrobersiyal na kontratistang si Sarah Discaya, kaugnay sa pagkakasangkot nito sa ₱96.5 milyong ghost flood control anomaly sa Davao Occidental.
“Naglabas na ng warrant of arrest ang Korte laban sa sampung pangunahing sangkot dito sa anomalyang ito, panimula ni PBBM.
Giit pa niya, “Ang mga akusado ay nahaharap sa kasong graft at malversation. Ito pong mga kasong ito ay hindi po bailable ito, hindi puwedeng bayaran para sila’y makalabas sa kulungan. Kabilang na po rito si Sarah Discaya na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng NBI.”
Sinabi rin ng Pangulo na may walo pang opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagpakita ng kagustuhan nilang sumuko na matapos masangkot sa naturang anomalya.
Ani PBBM, patuloy ang pag-arangkada ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa katiwalian at ghost projects.
“Ito po ay patuloy naming gagawin dahil simula [pa] lang po ito; at patuloy po naming iimbestigahan at kakasuhan ang lahat po ng may kinalaman sa mga eskandalo na nakikita natin sa mga flood control projects.”
“Titiyakin po natin na hindi lamang sila ay makakasuhan, kundi maibalik [din] ang pera na binayad ng ating mga kababayan sa kaban ng ating bansa,” pagtatapos niya.
Matatandaang ipinangako ni PBBM kamakailan na wala umanong “Merry Christmas” ang mga sangkot sa flood control scam, sapagkat bago pa man daw sumapit ang Pasko, makukulong na ang mga ito.
“Alam ko, bago mag-Pasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yong kaso nila, buo na 'yung kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,” saad ni PBBM sa kaniyang presidential report.
MAKI-BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA