Itinanggi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Biyernes, Disyembre 19, 2025 na may kinalaman umano ang imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang flood control projects hinggil sa pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Sa panayam ng media kay Sotto iginiit niyang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang dapat mag-imbestiga sa pagkamatay ni Cabral.
“Syempre the investigators, the NBI or the Philippine National Police… Dapat naman talaga imbestigahan,” ani Sotto.
Dagdag pa niya, “Pero I don't think it has anything to do with the Senate investigation…yung pagkamatay.”
Saad pa ni Sotto, bagama’t kailangang mapiga ng Senado ang kaugnayan ni Cabral sa korapsyon sa flood control projects, iginiit niyang ang pagkamatay nito ay dapat na raw ipagkatiwala sa mga imbestigador.
“Yung kinalaman niya at kinaalaman niya talagang dapat talagang malaman ng Senado lahat ‘yan. Pero doon sa pagkamatay, let’s leave it to the investigators,” dagdag niya.
Nagpahayag din ng pagdadalamhati si Sotto sa pagkamatay ni Cabral, na tinukoy niyang mahalagang personalidad sa isyu ng flood control projects.
“Mabigat din yun, malungkot din yun kasi maraming masyadong nalalaman si former Usec. Cabral tungkol diyan sa mga goings-on ng DPWH even many years before up to now, talagang ilang taon siya roon,” ani Sotto.
Nang tanungin kung sa tingin niya ay may foul play sa pagkamatay ni Cabral, sinabi ni Sotto na hindi niya ito matitiyak dahil hindi siya bahagi ng imbestigasyon.
“Ni hindi ko siya nakausap eh. Never ko siyang nakausap from the time that I was senator up to now—na hindi ako naging senador at ngayon senador na ako uli—hindi ko siya nakakausap eh except during the hearing,” dagdag niya.
Matatandaang bandang 8:00 ng gabi noong Huwebes, Disyembre 18, natagpuang walang malay si Cabral sa naturang ilog na matapos mahulog umano sa bangin na tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim—at kalauna’y idineklara ang kaniyang pagpanaw.
KAUGNAY NA BALITA: Dating DPWH Usec. Cabral, pumanaw matapos mahulog umano sa bangin