Nauwi sa sabunutan ang pagdalo ng ilang katao sa Simbang Gabi sa Freedom Park sa Daet, Camarines Norte.
Ayon sa mga awtoridad, nagkaroon ng rambol matapos umano ang alitan sa pagitan ng ilang miyembro ng LGBTQIA+ at isang babae, na sinasabing nag-ugat sa personal na insecurities.
Agad namang namagitan ang mga pulis upang maiwasan ang posibleng pananakit at paglala ng insidente.
Sinabi ng pulisya na ang ginawang paghawak at pagpigil sa mga sangkot ay limitado at kinakailangan lamang bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, lalo na sa gitna ng isang banal na okasyon.
“Ang ginawang paghawak at pagpigil ng mga pulis sa mga sangkot ay limitado at kinakailangan lamang (necessary restraints) bilang bahagi ng kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan ng publiko, at kabanalan ng okasyon,” ayon sa pahayag ng pulisya.
Binigyang-diin din ng mga awtoridad na walang labis o hindi nararapat na puwersang ginamit sa insidente.
“Wala pong labis o hindi nararapat na puwersang ginamit sa nasabing sitwasyon,” dagdag pa ng pulisya.
Tiniyak din ng kapulisan na nananatili silang propesyonal at makatao sa pagtupad ng kanilang mandato, lalo na sa mga pagtitipong panrelihiyon at pampubliko.
“Ang kapulisan ay nananatiling propesyonal at makatao sa pagtupad ng kanilang mandato—ang magsilbi at magprotekta,” ayon sa pahayag.
Kasabay nito, nanawagan ang pulisya sa publiko, partikular sa mga kabataan, na pairalin ang paggalang, disiplina, at pag-unawa upang matiyak ang mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng Simbang Gabi at ng panahon ng Kapaskuhan.
“Muli, nananawagan kami sa lahat, lalo na sa kabataan, na pairalin ang paggalang, disiplina, at pag-unawa upang maging mapayapa at ligtas ang pagdiriwang ng Simbang Gabi at ng buong panahon ng Kapaskuhan,” pahayag pa ng pulisya.
Dagdag ng mga awtoridad, patuloy silang nakaantabay upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
“Ang inyong kapulisan ay laging handang maglingkod at magbantay para sa kapayapaan ng komunidad,” ayon sa pulisya.