Sinabi ng Malacañang na hindi raw magha-holiday break o Christmas break si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pag-aralan at busisiin ang national budget para sa taong 2026 bago pirmahan.
Kaugnay ito sa pagtatapos ng isinagawang bicameral conference committee meeting noong Huwebes, Disyembre 18, para sa proposed ₱6.793-trillion national budget para sa taong 2026.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Disyembre 19, iginiit ni Palace Press Officer and PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na gusto raw talaga ni PBBM na ito’y mapirmahan bago matapos ang taon.
“Ang nais po talaga ng Pangulo ay mapirmahan ito, bago magtapos ng taon. So, kung dapat aralin, kung hindi magkakaroon ng tulugan, walang tulugan, gagawin po ‘yan,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Pero ang gustong sabihin ng Pangulo, ang tinitiyak niya bago siya pumirma, dapat naaral po itong mabuti nabusisi—at kung may kailangang i-veto, ive-veto.”
Natanong tuloy ang press officer kung wala nga bang holiday ang ehekutibo, at kung sino ang makakasama ng Pangulo hinggil sa pagbusisi ng naturang pondo.
“Opo, kailangang pag-aralan po. Sa Pangulo po, ‘di po kailangan magkaroon ng Christmas break—kailangan po talagang aralin ito at pipilitin na mapirmahan po ito bago magtapos ng taon,” aniya.
“Siyempre unang-una po ay ang miyembro po ng DBM, sila po ang magbubusisi kasama rin po ang Pangulo para po ma-explain at kung may kinakailangan pong tawagin ang Pangulo na mga cabinet secretaries para po mas malinaw, ipapatawag po kung sino man po ang kinakailangan na namumuno sa isang related agencies,” pagtatapos niya.
Matatandaang sinabi ni Sen. Win Gatchalian sa isang pahayag na ang napagdesisyunan nilang budget kasama ang House of Representatives (HOR) ay isang “corruption-free” na pondo.
“Finally, we have reconciled the disagreeing provisions, and finally, we have a budget that we can be proud of and responsive to the Filipino people. Higit sa lahat, itong budget na ito ay corruption-free at higit sa lahat wala ng overpriced, at higit sa lahat ito po ang budget na masasabi kong standard transparency,” saad ni Gatchalian.
Vincent Gutierrez/BALITA