Nagpahayag ng pakikiramay ang Malacañang kaugnay sa pagkamatay ng dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Catalina Cabral.
Napaulat ang pagpanaw ni Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, matapos umanong mahulog sa bangin na may lalim na aabot sa 20 hanggang 30 metro, malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet.
MAKI-BALITA: Dating DPWH Usec. Cabral, pumanaw matapos mahulog umano sa bangin-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Disyembre 19, ipinahayag ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na nakakalungkot ang biglaang pagpanaw ng ex-DPWH undersecretary.
“Nakikiramay po tayo sa pamilya na naiwan po ni former Usec. Catalina Cabral at nakakalungkot po ang nangyari… Muli, nakikiramay po tayo,” saad ni Castro.
Natanong din ang press officer kaugnay sa imbestigasyong isasagawa sa isyu ng flood control matapos ang pagpanaw ni Cabral, na siyang itinuturing na “person of interest” at isang “key witness.”
“Iginagalang po muna natin pansamantala ang pribadong buhay at ang pamilya po ni Usec. Cabral,” anang press officer.
Nanindigan din si Castro na wala umanong kinahaharap na kaso si Cabral, kasabay ang pagkamatay nito.
Matatandaang isa si Cabral sa mga nirekomendang kasuhan ng DPWH, Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Department of Justice (DOJ) bago matapos ang taon, kaugnay sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects.
MAKI-BALITA: Romualdez, 86 iba pa inirekomendang kasuhan bago matapos ang taon—Sec. Dizon-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA