Ibinahagi sa publiko ng Philippine National Police (PNP) ang ipinasa umanong waiver ng asawa ng pumanaw na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral tungkol sa hindi nito pagpayag sa autopsy examination sa bangkay ng huli.
Ayon sa naging pahayag ng Chief of the Public Information Office (PIO) at PNP Spokesperson na si PBGEN Randulf T. Tuaño nitong Biyernes, Disyembre 19, sinabi niyang nagbigay raw ng waiver ang asawa ni Cabral sa awtoridad bilang pagtanggi na sumailalim ito sa autopsy examination.
“Sa ngayon po, bilang update sa… ng Regional Director, nagbigay po ng waiver ang asawa ng namatay at hindi po sila pumapayag sa autopsy examination,” saad niya.
Giit naman ni Tuaño, nag-iisip na raw ngayon ng paraan ang legal officers ng PNP para malaman ang totoong nangyari kay Cabra.
“Magkaganoon man, ito po ay pinag-aaralan ng ating legal officers kung ano po ang magiging magandang gawin ng Philippine National Police para masiguro natin na totoong katawan po ng deceased na si dating Usec. Cabral,” paliwanag niya.
Matatandaang kinumpirma na ng mga awtoridad ang pagpanaw ni Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-DPWH Usec. Cabral, pumanaw na
Ito ay matapos maiulat na natagpuan umano ang katawan ni Cabral na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18.
Bandang 8:00 p.m., natagpuang walang malay si Cabral sa naturang ilog na matapos mahulog umano sa bangin na tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim.
Samantala, itinuturing na ngayon bilang person of interest ng PNP si Cardo Hernandez na siyang huling naitalang kasama bago mapabalitang nahulog umano sa bangin si Cabral.
MAKI-BALITA: Labag sa human nature? Pag-iwan kay ex-DPWH Usec. Cabral, hindi normal na ginawa ng driver
“Ayon po sa investigation ng Regional Director ng Cordillera, dahil labag daw po sa human nature na ‘yong principal o ‘yong VIP mo [ay] iiwanan mo siya sa isang liblib na lugar. Alam mo naman na ‘yong bag at cellphone ay nasa sasakyan ninyo,” saad ni Tuaño.
Dagdag pa niya, “At kung bakit babalikan mo siya after one or two hours. Hindi mo ba iniisip na paano ka mako-contact kung saka-sakali na alam mo naman na ‘yong bag at cellphone ay nasa iyo.”
MAKI-BALITA: Labag sa human nature? Pag-iwan kay ex-DPWH Usec. Cabral, hindi normal na ginawa ng driver
MAKI-BALITA: ICI, nais paimbestigahan pagkamatay ni Ex-DPWH Usec. Cabral para matiyak na walang 'foul-play'
Mc Vincent Mirabuna/Balita