Nagdaos ng isang preliminary conference ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at ang production team ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab 2.0 kaugnay sa umuugong na isyu patungkol sa iniasal kamakailan ng ilang lalaking “housemates” sa loob ng Bahay ni Kuya.
Sa ibinahaging social media post ng MTRCB nitong Biyernes, Disyembre 19, mababasa na nagbigay ng suhestiyon si MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto kaugnay sa kanilang Code of Ethics.
“Chairperson and CEO Lala Sotto said that youth audiences closely follow the activities of the PBB contestants, noting that their actions and interactions influence how young viewers perceive situations,” panimula ng MTRCB.
Dagdag pa nito, “Sotto suggested that production should consider drafting a clear Code of Ethics and protective guidelines to safeguard women and children, citing the fact that youngsters being away from their families deserve a safe space.”
Nirekomenda rin nila na gamitin ang “authentic moments” sa loob ng bahay bilang isang “model” upang maipakita ang respeto at tamang asal.
Iginiit naman ng PBB na tinulungan na nila ang mga babaeng housemates na iproseso ang pangyayari at ang kanilang mga emosyon.
Samantala, ginabayan na rin daw nila ang ilang mga lalaking housemates kaugnay sa ginawa nitong offenses.
Saad pa nila, wala raw puwang sa loob ng Big Brother House ang pambabastos, sapagkat binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng “empathy” at “responsibility.”
Matatandaang nagpahayag ng pagkabahala ang women’s group na Gabriela hinggil sa mga umano’y birong bastos o “green jokes” sa mga babaeng housemates sa loob ng Bahay ni Kuya.
“The recent exchange on Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0, where female housemates called out inappropriate jokes and objectifying remarks, highlights a broader cultural issue we continue to face: the normalization of 'birong bastos' among young people,” saad ng Gabriela sa kanilang social media post kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Bawal bastos!' Gabriela, naalarma hinggil sa 'green jokes' sa PBB-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA