Magkahiwalay na dinala sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, Disyembre 19, 2025, ang mga kontrobersiyal na kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya.
Sasailalim ang mag-asawang Discaya sa preliminary investigation kaugnay ng ₱7.1 bilyong reklamong tax evasion na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Matatandaang nauna nang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Sarah noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18, matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kaniya dahil sa mga kasong katiwalian at malversation of funds na may kaugnayan sa ₱96.5 milyong umano’y “ghost” flood control project sa Davao Occidental.
“Happy? Happy yes!” ani Sarah sa media matapos siyang maaresto.
Iniimbestigahan ang mga Discaya matapos masangkot ang kanilang mga construction firm sa mga anomalya sa flood control projects ng bansa.
Sila ang may-ari ng Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation, isa sa 15 kumpanyang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng 20 porsiyento ng mga flood control project sa buong bansa.
Samantala, matatandaang nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang video na nahaharap sa mga kasong graft at malversation si Discaya at ilan pang iba kaugnay ng maanomalyang flood control project.
“Ang mga akusado ay nahaharap sa kasong graft at malversation... hindi po bailable ito,” ayon kay Marcos, at idinagdag na nasa kustodiya na ng NBI si Discaya.
Sinabi rin ng pangulo na saklaw ng warrant of arrest si Discaya at siyam pang indibidwal. Inihayag pa niya na walong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpahayag ng kanilang intensiyong sumuko kaugnay ng kaso.
“Ito po ay patuloy naming gagawin at simula lang po ito, at patuloy naming iimbestigahan at kakasuhan ang lahat ng may kinalaman sa mga iskandalong nakikita natin sa mga flood control project,” ani Marcos.
Nauna ring sinabi ni Marcos na maaari pang magkaroon ng mga karagdagang pag-aresto habang tinutugunan ng pamahalaan ang umano’y katiwalian na may kinalaman sa mga hindi umiiral at substandard na proyektong pang-imprastraktura.