Tila kinuwestiyon ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang pagpanaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral dahil pangatlo na umano ito sa mga nasawi magmula nang pumutok ang mga usapin sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-DPWH Usec. Cabral, pumanaw na
Ayon sa mga naging pahayag ni Roque sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Disyembre 19, nagawa muna niyang magpaabot ng pakikiramay sa pagpanaw ni Cabral.
Dagdag pa ni Roque, marami raw makalulusot na buwaya dahil sa kaniyang pagkasawi.
“Usec Cabral was kind to me. Sorry for her tragic end. Maraming buwaya ang makakalusot with her demise,” mababasa sa una niyang post.
Photo courtesy: Harry Roque (FB)
Kasunod nito, idiniin ni Roque na ikatlong kaso na ang pagpanaw ni Cabral bukod sa mga engineer sa Ilocos Norte at Sorsogon magmula noong pumutok ang maanomalyang flood control projects.
“Usec Cabral is 3rd to have died since the flood scam. There too were engineers from Ilocos Norte and Sorsogon. Mafia style?” pagkukuwestiyon niya.
Photo courtesy: Harry Roque (FB)
Bukod pa rito, muli pang nag-post si Roque at sinabi niyang alam umano ni Cabral ang lahat ng insertions ng mga mambabatas kaya tila hindi ito naniniwala na nahulog ang huli sa bangin.
“Alam ni Usec Cabral ang lahat ng insertions ng tongressmen, senatongs at Malacanang,” saad niya.
Photo courtesy: Harry Roque (FB)
“Maniniwala ba kayo na nahulog [siya]?” pagtatapos pa niya.
Matatandaang kinumpirma na ng mga awtoridad ang pagpanaw ni Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-DPWH Usec. Cabral, pumanaw na
Ito ay matapos maiulat na natagpuan umano ang katawan ni Cabral na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18.
Bandang 8:00 p.m., natagpuang walang malay si Cabral sa naturang ilog na matapos mahulog umano sa bangin na tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim.
MAKI-BALITA: DPWH, nakiramay sa pagpanaw ni dating Usec. Cabral
Mc Vincent Mirabuna/Balita