December 19, 2025

Home BALITA National

Labag sa human nature? Pag-iwan kay ex-DPWH Usec. Cabral, hindi normal na ginawa ng driver

Labag sa human nature? Pag-iwan kay ex-DPWH Usec. Cabral, hindi normal na ginawa ng driver
Photo courtesy: PNP (FB), BALITA FILE PHOTO

Itinuturing na bilang person of interest (POI) ng Philippine National Police (PNP) ang driver na si Cardo Hernandez na siyang huling naitalang kasama bago mapabalitang nahulog umano sa bangin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral sa Kennon Road sa Benguet noong gabi ng Huwebes, Disyembre 18, 2025. 

Ayon sa naging pahayag ng Chief of the Public Information Office (PIO) at PNP Spokesperson na si PBGEN Randulf T. Tuaño nitong Biyernes, Disyembre 19, sinabi niyang labag daw sa “human nature” na iwan ang isang “principal” o “VIP” sa isang liblib na lugar at bumalik dito matapos ang isa hanggang dalawang oras. 

“Ayon po sa investigation ng Regional Director ng Cordillera, dahil labag daw po sa human nature na ‘yong principal o ‘yong VIP mo [ay] iiwanan mo siya sa isang liblib na lugar. Alam mo naman na ‘yong bag at cellphone ay nasa sasakyan ninyo,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “At kung bakit babalikan mo siya after one or two hours. Hindi mo ba iniisip na paano ka mako-contact kung saka-sakali na alam mo naman na ‘yong bag at cellphone ay nasa iyo.” 

National

Rep. Cendaña sa pagkamatay ni Usec. Cabral: 'Will the truth die with her?'

Bukod pa rito, nauna na ring ipahayag ni Tuaño na nagbaba na ng utos si Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa Regional Director ng Cordillera na bigyan ng 36 oras para ikonsiderang POI si Hernandez. 

“Bilang update doon sa kaso ni dating [DPWH] Usec. Cabral, binigyan ng instruction ni Chief PNP General Nartatez ang Regional Director ng Cordillera na bigyan siya ng 36 hours para i-consider na POI ‘yong driver niya,” pagbabahagi niya. 

Inutos na rin daw ni Nartatez na mag-takeover ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pag-iimbestiga sa nasabing insidente. 

“At binigyan niya rin ng instruction ang Director ng CIDG na mag-takeover sa investigation at tulungan ang… Cordillera para doon sa kaniyang subpoena power na ma-subpoena ‘yong cellphone noong deceased at no’ng driver na kino-consider na ngayon na POI,” ‘ika niya. 

Samantala, nagbigay naman ng waiver ang asawa ni Cabral sa mga awtoridad na hindi sila pumayag na sumailalim sa autopsy examination ang bangkay ng nasawing dating opisyal. 

“Sa ngayon po, bilang update sa… ng Regional Director, nagbigay po ng waiver ang asawa ng namatay at hindi po sila pumapayag sa autopsy examination,” kuwento niya. 

“Magkaganoon man, ito po ay pinag-aaralan ng ating legal officers kung ano po ang magiging magandang gawin ng Philippine National Police para masiguro natin na totoong katawan po ng deceased na si dating Usec. Cabral,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: Ex-DPWH Usec. Cabral, pumanaw na

MAKI-BALITA: ICI, nais paimbestigahan pagkamatay ni Ex-DPWH Usec. Cabral para matiyak na walang 'foul-play'

Mc Vincent Mirabuna/Balita