Tila nalungkot din daw ang Kapamilya singer na si Jed Madela kaugnay sa naging pagkadismaya ni Divine Diva Zsa Zsa Padilla sa naging takbo ng paggawad ng "Lifetime Achievement Award" ng Aliw Awards Foundation noong Lunes, Disyembre 15, 2025.
Ayon sa naging panayam ng ABS-CBN News kay Jed noong Huwebes, Disyembre 18, sinabi niyang nalungkot siya nang hindi mabigyan ng kahit limang segundo si Zsa Zsa para magpasalamat sa natanggap na award.
“I feel sad, as well, you know what more sa akin na it’s a once a lifetime thing na I missed it. I wasn’t able to [attend],” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “But Zsa Zsa was there and even five seconds na mag-thank you lang.”
Sey ni Jed, nagpadala rin daw siya ng acceptance speech sa parehong award na natanggap niya ngunit hindi rin umano iyon pinanood sa nasabing event.
“I sent an acceptance speech. Before I left for Paris I shot a video, an acceptance speech in a video and submitted to Aliw and they didn’t show it also,” pagkukuwento niya.
Samantala, wala naman daw planong ibalik ni Jed ang “Lifetime Achievement Award” dahil mahalaga sa kaniya iyon bilang isang artist.
“No. It’s something I really, really treasure. It’s something I really value a lot as an artist,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang naging usap-usapan ang social media post Zsa Zsa matapos ibahagi ang kaniyang pagkadismaya sa naging takbo ng paggawad ng "Lifetime Achievement Award" ng Aliw Awards Foundation noong Lunes, Disyembre 15, 2025.
MAKI-BALITA: Hindi nakakaaliw? Zsa Zsa Padilla nadismaya sa Aliw Awards, isasauli ang parangal
Ayon sa pahayag ni Zsa Zsa, labis ang kaniyang tuwa nang malamang siya ay napili para sa prestihiyosong parangal, isang pagkilalang sumasaklaw sa kaniyang 42 taong pananatili sa industriya, lalo na sa larangan ng musika.
Matapos iabot ang mga tropeo sa kanila, naghintay raw sila sa pag-aakalang bibigyan ng pagkakataong makapagsalita. Sa halip, isang production staff ang sumenyas sa kanila na bumaba na ng entablado.
"I was still dumbfounded by how the awarding was handled. To be dismissed so abruptly after supposedly being 'honored' was shocking and embarrassing. What was the point of being there with our families?" aniya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita