Hinikayat ni dating Commission on Election (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon na magsalita na ang umano’y mga inilaglag at ilalaglag sa maanomalyang flood control projects matapos ang biglang pagpanaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral.
Ayon sa naging pahayag ni Guanzon sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Disyembre 19, makikita ang pagbabahagi niya ng balitang pagpanaw ni Cabral at sinabi niyang magsalita na raw ‘yong may mga natitirang pang alas kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
“Sa mga nilaglag na at ilalaglag nila sa flood control corruption na ito, magsalita na kayo hanggat maaga pa dahil yan ang natitira niyong alas sa kanila,” mababasa sa caption ng naturang post ni Guanzon.
Photo courtesy: Rowena Guanzon (FB)
Pagdidiin pa ni Guanzon, hindi raw malabong isa-isahin ang ibang may nalalaman sa umano’y flood control projects scam.
“Hindi malabo na isa isahin kayo dahil mapapahamak sila sa pagkanta niyo,” pagtatapos niya.
Matatandaang kinumpirma na ng mga awtoridad ang pagpanaw ni Cabral nitong Biyernes ng madaling araw, Disyembre 19, 2025.
MAKI-BALITA: Ex-DPWH Usec. Cabral, pumanaw na
Ito ay matapos maiulat na natagpuan umano ang katawan ni Cabral na “unconscious” at “unresponsive” malapit sa ilog ng Bued sa Tuba, Benguet matapos umanong mahulog sa bangin noong Huwebes ng gabi, Disyembre 18.
Bandang 8:00 p.m., natagpuang walang malay si Cabral sa naturang ilog na matapos mahulog umano sa bangin na tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim.
MAKI-BALITA: 'Mafia style?' Harry Roque, sinabing ikatlong namatay si Cabral nang magsimula flood control scams
MAKI-BALITA: ICI, nais paimbestigahan pagkamatay ni Ex-DPWH Usec. Cabral para matiyak na walang 'foul-play'
Mc Vincent Mirabuna/Balita