January 05, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

‘Ano yon itatapon ko lang pera ko?’ Vice Ganda, hindi bet tumakbo sa politika

‘Ano yon itatapon ko lang pera ko?’ Vice Ganda, hindi bet tumakbo sa politika
Photo courtesy: Karen Davila (YT screenshot)

Inamin ng komedyante at It’s Showtime host na si Vice Ganda sa kaniyang panayam sa beteranang broadcaster na si Karen Davila noong Biyernes, Disyembre 18, na hindi siya interesadong tumakbo sa politika at mariing tinatanggihan ang mga offer dito.

“Ang tagal kong nagtrabaho, ang tagal kong nagpaka-pokpok dito sa showbiz para kumita ako tapos mauubos ‘yon kapag kumandidato ako. Sa Pilipinas ubusan ng pera, diba? Ano ‘yon, tatapon ko lang pera ko para gano’n lang?” diretsahang patutsada ni Vice. 

“So, kapag natapon ko ‘yon, manghihinayang ako. So, may tendency na bawiin ko ‘yon, diba? So, di ko ‘yon uubusin. Tas babawiin ko? No,” dagdag pa niya. 

Nang tanungin ni Karen kung nasisiyahan ba siya sa mga kasalukuyang rebelasyon sa mga pagdinig hinggil sa mga anomalya sa flood control, binanggit ni Vice na kulang pa raw ang mga ito at marami pang dapat malaman ang mga Pinoy. 

Tsika at Intriga

'As a nation di tayo makausad!' Tuesday sinita mga 'eksenang airport' ng Pinoy

“No! We need more. We don’t just ‘want’ more, we ‘deserve’ more. We deserve the absolute truth, not just a piece of the truth, a part of the truth, [but] the absolute truth. ‘Yon ang kailangan natin, hindi lang ‘yong bahagi ng katotohanan. Kailangan ‘yong buong katotohanan ang makuha natin,” paninidigan ni Vice. 

“Kaya hindi ka makukumbinse. Pero kumbinsido ako sa isang bagay, na pinaglololoko nila tayo. Ginugulo nila ang isipan nating lahat. Kumbinsido ako sa katotohanan na hindi naman nila sinasabi ang totoo. Nililito lang nila tayo, pinapagod nila tayo, para sumuko na tayo sa kaiisip tungkol sa bagay na ‘yan at bitawan natin, at bumalik tayo sa ‘bahala na kayo, wala na ulit kaming pakialam. Nakakapagod kayo,” dagdag pa ng komedyante. 

Ibinahagi rin ni Vice na dahil mahal niya ang naging mas simpleng buhay na pinanggalingan niya, pursigido siyang gamitin ang kaniyang plataporma bilang artista para maiboses ang panawagan ng maraming Pinoy sa pamahalaan. 

“Ako ‘yong taong hindi ko kayang sinasarili ‘yong nararamdaman ko. I’ve [been] given the platform, the opportunity, [and] the responsibility to use my voice not just for myself,” saad ni Vice. 

“Kung tutuusin, puwede na nga kong hindi chumika, puwede akong dumedma, kasi kahit anong palit ng gobyerno d’yan, okay na ko eh. Kakain ako, may pambili ako ng gamot kung sakaling may mararamdaman ako. May pampa-ospital ako kung sakaling magkakasakit ako. Maayos ‘yong bahay na tinitirhan ko. ‘Yong pamilya ko, okay na rin. Pero hindi siya kaya ng konsensya ko, kasi paano ‘yong mga nakapaligid sa akin?” aniya pa. 

Bukod pa rito, bilang host ng It’s Showtime, hindi rin daw kinakaya ng konsensya ni Vice na mawalan ng pakialam sa mga nagaganap sa lipunan, habang humaharap sa madla. 

“Sila, may pakialam sa akin, kaya may pakialam din ako sa kanila. Mayroon na akong na-develop na affinity with my audience, with the madlang people na, pinamilya nila ako eh, so pamilya ko rin sila. Love life ko, relasyon ko sa nanay ko, mga pinagdaanan ko sa buhay, ‘yong journey ng karera ko, sinamahan nila ako. Hindi nila ako pinapabayaan, sinusuportahan nila ako. So, gano’n din ako sa kanila. I have to give it back. The love that they have given me, I have to give it back to them,” ani Vice. 

Hinggil naman sa pagiging central figure sa mga nakikiisa sa mga kilos-protesta, aminado ang komedyante na bagama’t natatakot siya para sa kapakanan niya, patuloy pa rin siyang lumalaban para sa kapwa Pinoy. 

“Natatakot pero sasabog din kasi ‘yong puso ko eh. Hindi lang ‘to tungkol sa akin. Ipinaglalaban ko ‘yong madlang people na nakipaglaban din para sa akin para mapunta ako sa posisyon na ‘to,” paninindigan ni Vice. 

Sean Antonio/BALITA