Hindi sinang-ayunan ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang pag-apruba sa ₱243 bilyong Unprogrammed Appropriations sa isinagawang Bicameral Conference Committee Meeting para sa 2026 national budget.
Ayon sa naging pahayag ni Diokno sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Disyembre 18, sinabi niyang mahirap daw mamatay ang lumang nakagawian.
“₱243B Unprogrammed Appropriations, APPROVED ng Bicam. Old habits truly die hard…” mababasa sa post ni Diokno.
Photo courtesy: Chel Diokno (FB)
Paliwanag pa ni Diokno sa komento niya sa sariling post, mga pondong hindi alam kung saan napupunta at kung kailan nagagamit ang Unprogrammed Appropriations.
“Ano ang Unprogrammed Appropriations? Ito ay pondo na di malinaw kung saan mapupunta, at di rin transparent kung kailan ito na-aactivate,” paglilinaw niya.
Dagdag pa niya, “Dito tinago ang flood control projects noong nakaraan, at posibleng magamit itong mekanismo para sa pork barrel. Panawagan natin ay dapat I-ZERO ito.”
Samantala, matatandaang pormal nang natapos nitong madaling-araw ng Huwebes, Disyembre 18, 2025 ang Bicameral Conference Committee Meeting na dinaluhan ng mga mambabatas mula sa Senado at House of the Representatives para sa aabot na ₱6.7 trilyon na pondo ng bansa sa 2026.
MAKI-BALITA: Sen. Bato at iba pa, 'di sumipot sa bicam conference committee meeting para sa 2026 nat’l budget
MAKI-BALITA: Sen. Erwin Tulfo, kinuwestiyon pagpapatawag kay Sec. Dizon: 'This is a bicam conference committee!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita