Usap-usapan ang reklamo ng Philippine Fencing Association (PFA) president na si Rene Gacuma kaugnay ng umano’y hindi kanais-nais na asal laban sa kaniya ng aktor at Leyte 4th District Rep. Richard Gomez matapos siyang saktan at laitin sa gitna ng fencing events ng 2025 Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand.
Si Goma, ay kasalukuyang PFA Director at Philippine Olympic Committee (POC) Vice President.
Sa isang liham na ipinadala kay Philippine Chef d’ Mission Dr. Raul Canlas, ikinuwento ni Gacuma ang sinasabing insidente na naganap noong Disyembre 16. Nagkataong naroon din si Gomez sa Thailand sa parehong panahon matapos siyang magwagi ng silver medal sa sporting clay event.
Ayon sa kaniya, kinompronta siya ni Gomez at nauwi ito sa mainitang pagtatalo kung saan nakatikim daw siya ng berbal na pang-iinsulto at pisikal na pananakit habang abala ang mga opisyal at atleta sa nasabing kompetisyon.
Lumabas sa reklamo na nagsimula ang sigalot nang hindi agad maipaalam kay Gomez ang desisyong palitan ang fencer na si Alexa Larrazabal, dahil daw sa hindi nakatugon sa mga kinakailangang dokumento.
Iginiit ni Gacuma na ginawa ang hakbang bilang bahagi ng pagsunod sa mga patakaran ng torneo.
“When I extended my right hand to congratulate Mr. Gomez, he planted his right foot on my left foot, squeezed my right thumb very hard and said ‘Who gave you the authority to replace that athlete? Na-take up ninyo ito sa Board Meeting in my presence?! P*tang *na mo Rene, g*go ka!” saad daw ni Gomez, batay naman sa ulat ng Manila Bulletin.
Naramdaman din umano ni Gacuma ang pagbatok sa kaniya ni Gomez. Bukod dito muli raw umanong sumugod at nangompronta sa kaniya si Gomez nang nasa medical station na siya, matapos siyang magpasuri dahil sa pagtaas ng blood pressure, dulot pa rin ng nangyaring sigalot.
Sabi raw sa kaniya ni Gomez, “While seated at the medical station and in the presence of the Thai medical volunteers, he literally capped my jawline forcefully with his right hand and said, ‘Di mo alam ang ginagawa mo!… Wala ka alam sa pagiging atleta! Sisipain kita diyan! Alam ko saan ka nakatira!”
Samantala, ayon naman sa panayam ng "One Balita Pilipinas" ng One PH kay Gomez, sinabi niyang maghahain din siya ng reklamo laban sa kanila, matapos daw ang emotional bullying kay Alexa.
"It is his right to file a complaint, walang problema... atleta natin 'yan eh, in a way we spent money para gumaling ang atleta tapos babastusin ng ganon, hindi nila palalaruin."
"Wala kasi silang ganoong klaseng experience kaya hindi sila marunong magdesisyon," aniya pa.