Kinilala ng mga awtoridad ang isang magsasaka mula sa Northern Samar kamakailan, na nagbalik ng mga napulot niyang cash na nagkakahalagang ₱ 60,000, cell phone, wallet, at bag.
Ayon sa social media post ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company (NSPMFC), kinilala ang 53-anyos na magsasaka bilang si Pobleo Narca, mula sa Brgy. Oleras, Laoang, Northern Samar.
Base sa kanilang lathala, Linggo, Disyembre 14, nang i-report ng residenteng si Cristina Sharpe, mula sa Brgy. Magtaon, Mapanas, Northern Samar, na naiwan niya ang kaniyang itim na travel bag sa ibabaw ng kaniyang sasakyan habang nagta-travel.
Napagtanto na lang daw ni Sharpe na nawawala ang bag niya nang huminto ito para i-asiste ang kaniyang kasama.
Nang matanggap ng Laoang Municipal Police Station (MPS), sa pakikipagtulungan sa 2nd NSPMFC, kaagad nilang ibinahagi sa social media ng PNP ang mga detalye ng nawawalang bag.
Mga bandang 5:00 AM daw noong Lunes, Disyembre 15, pumunta si Narca sa Laoang MPS Satellite Office, dala ang nawawalang bag.
Ayon daw kay Narca, natagpuan niya ang bag sa highway, 4:00 PM noong Disyembre 14, at nang makita ang social media post ng PNP, agad daw nakilala ng anak niya ang bag sa litrato.
Kaya, walang pasubali, nadala nila ang bag sa mga awtoridad at naibalik ito kay Sharpe noong Disyembre 15, 7:30 AM.
Base pa sa post, ang mga sumusunod ang laman ng nasabing bag:
- Dalawang Samsung Galaxy S23 Ultra smartphones (color pink)
- Armani Exchange wristwatches (tinatayang ₱ 111,000)
- Pasaporte na nakapangalan kay Sharpe
- ₱ 60,000 cash
- Dalawang power banks
- Itim na wallet
Sean Antonio/BALITA