December 20, 2025

Home BALITA National

Kaysa mapasubo sa 5-6: PBBM, inanunsyo 'emergency loan' offer ng SSS

Kaysa mapasubo sa 5-6: PBBM, inanunsyo 'emergency loan' offer ng SSS
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, MB


Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tungkol sa emergency loan na maaaring aplayan ng mga Social Security System (SSS) members simula ngayong buwan ng Disyembre.

Sa ulat ni PBBM nitong Huwebes, Disyembre 18, sinabi niyang ang loan na ito ay may interes na aabot sa 7%.

“Sa lahat ng ating mga kababayan na SSS members, mayroon akong magandang balita. Simula itong Disyembre na ito ay makakapagbigay na ang SSS ng tinatawag na ‘emergency loan.’ Dahil habang nasa ilalim halimbawa ng national emergency ay magbibigay ng emergency loan ang SSS. Ito ay isang pautang na ang bayad ay mababa lang, 7% lang,” panimula ni PBBM.

Dagdag pa niya, “Bukod pa riyan ay mayroong tinatawag na 6-month moratorium. Ibig sabihin, pagtanggap ninyo ng loan galing sa SSS, sa unang anim na buwan [ay] hindi kayo kailangang magbayad para sa loan amortization—para naman e mapagaan ang inyong dala.”

Iginiit din ng Pangulo na patuloy ang kaniyang koordinasyon sa ahensya upang mapalawig pa ang mas ligtas at makatarungang micro-loan at emergency loan.

“Maganda po ito kasi imbes na pupunta po kayo sa 5-6 at mapasubo sa malalim na utang, e mayroon na kayong magagamit—at ang babayaran lang ay 7% lamang. Kaya’t sana ito’y makatulong po sa inyong lahat,” pagtatapos niya.

Matatandaang nagtaas si PBBM ng National State of Calamity sa bansa bunsod ng epektong idinulot ni Bagyong Tino sa iba’t ibang mga lalawigan sa Kabisayaan. Aniya, ito raw ay isang paraan upang matutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng mas mabilis na access sa emergency funds at procurement process ng relief supplies.

MAKI-BALITA: PBBM, nagbaba na ng 'National State of Calamity' para sa mabilis na access sa emergency fund-Balita

Samantala, binuksan din kamakailan ng SSS ang kanilang pa-calamity loan para din sa mga hinagupit ng Bagyong Tino sa Cebu.

“We understand how life-changing the devastation brought by Typhoon Tino is to workers and their families in Cebu. Our priority is to provide immediate, accessible support to help them get back on their feet,” saad ni SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes de Claro.

MAKI-BALITA: SSS members sa Cebu na apektado ni 'Tino,' pwede mag-avail ng calamity loans-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA