December 19, 2025

Home BALITA Probinsya

Aspin, walang awang binaril sa Ilocos Sur

Aspin, walang awang binaril sa Ilocos Sur
Photo courtesy: Unsplash


Pinaputukan ng baril ang isang aspin sa Candon City, Ilocos Sur kamakailan.

Ayon sa ulat ng TV Patrol, ang aspin ay alaga sa loob ng isang compound ng nasabing lungsod.

Maririnig naman sa isang video na tahasang sinabi ng isa sa mga nasa loob ng compound na papatayin nito ang naturang aso sapagkat ito raw ay nakakagat.

Hindi naaktuhan sa video ang mismong pagbaril ngunit maririnig ang putok nito at ang palahaw ng binaril na aso.

Ayon sa imbestigasyon ng awtoridad, hindi na nila nakita ang aso, maging ang baril na ginamit sa insidente.

Ang hindi pa tukoy na suspek ay nahaharap sa reklamo matapos lumabag sa Animal Welfare Act.

Kaugnay sa usapin ng karahasan sa mga hayop, ilang mga ulat na rin mula sa iba’t ibang lugar ang umalingawngaw patungkol dito.

Sa Mountain Province, isang American bully ang napaulat na pinaslang matapos paghahampasin ng isang lalaki.

Sa Valenzuela City naman, isang aso ang nabalitaang naputulan ng dila. Matapos ang masusing imbestigasyon, isang saksi ang lumutang at sinabing “dog fight” o away-aso umano ang dahilan sa pagkakaputol ng dila nito.

MAKI-BALITA: Asong naputulan ng dila sa Valenzuela City, resulta raw ng ‘dog fight’-Balita

Ilang animal groups na rin ang nananawagan para sa karapatan ng mga hayop sa bansa.

Vincent Gutierrez/BALITA