Aabot sa halos ₱2 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasabat sa hiwa-hiwalay na drug buy-bust operation na ikinasa ng awtoridad sa lalawigan ng Rizal mula noong Miyerkules, Disyembre 17 hanggang Huwebes, Disyembre 18.
Ayon sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), limang high-value individuals (HVIs) ang nasakote ng mga operatiba matapos ang mga naturang buy-bust.
Noong Miyerkules, Disyembre 18, bandang 3:15 ng madaling-araw, inaresto ng Municipal Drug Enforcement Team ng Binangonan Municipal Police Station (Binangonan MPS), sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang HVI sa Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal.
Ang mga suspek ay nasamsaman ng 104.1 gramo ng shabu, na aabot ang halaga sa ₱707,880. Kasama sa mga ito ang isang sling bag, cellular phones, buy-bust money, at isang motorsiklo.
Sa ikinasa namang operasyon ng pulisya at PDEA, natiklo rin ang dalawang HVI sa Brgy. Pag-asa, Binangonan, Rizal noong Miyerkules, Disyembre 17, bandang 11:00 ng gabi.
Narekober sa mga suspek ang 100.6 gramo ng shabu, na may standard drug price na aabot sa ₱684,080.
Liban dito, nakuha rin ng awtoridad ang isang coin purse, cellular phone, at buy-bust money—na gagamitin bilang ebidensya.
Sa joint operation naman ng PDEA at Station Drug Enforcement Team ng San Mateo MPS, nasakote rin ang isang HVI sa mismong tahanan nito sa Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal noong Miyerkules, Disyembre 17.
Nakuha sa kaniya ang halos 72 gramo ng shabu, na aabot sa ₱489,600 ang halaga.
Narekober din ang ilang ebidensya sa suspek tulad ng revolver pistol, mga bala, holster, sling bag, at buy-bust money.
Lahat ng naarestong suspek ay nahaharap sa mga reklamo matapos ang paglabag ng mga ito sa Sections 5 at 11 at Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Nahaharap din sa kasong “Illegal Possession of Firearms and Ammunition” ang huli matapos nitong labagin ang Republic Act 10591.
Kasalukuyang nakapiit ang limang suspek sa custodial facilities ng mga lungsod o bayan kung saan sila naaresto.
Vincent Gutierrez/BALITA