May tiwala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi na kinakailangang selyuhan ang mga service firearm ng kanilang mga tauhan ngayong holiday season.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, itinuturing ng pamunuan na mga propesyonal na alagad ng batas ang buong hanay ng PNP.
Ipinaliwanag ni Tuaño na ang nakagawiang paglalagay ng muzzle tape o tape sa dulo ng baril ng mga pulis ay hindi na isinama ni Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa inilabas nitong memorandum para sa panahon ng Kapaskuhan.
Ang naturang desisyon ay bunsod ng isinagawang inter-agency meeting noong nakaraang linggo na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tinalakay sa pulong ang mga hakbang upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa panahon ng holiday season.
Matatandaang noong 2023 huling ipinatupad ang mahigpit na pagseselyo sa mga service firearm ng mga pulis bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang indiscriminate firing, partikular tuwing pagsalubong sa Bagong Taon na nagdudulot ng panganib sa mga sibilyan.
Kaugnay nito, mahigpit na inatasan ni Nartatez ang lahat ng commander at mga pinuno ng istasyon at unit ng pulisya na agarang resolbahin ang anumang insidente ng stray bullet o ligaw na bala sa loob ng 24 oras.