Pinuna ni Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang pag-apruba ng Bicameral panel sa ₱63.9 bilyong pondo na ilalaan para sa programang Assistance to Individuals in Crisis (AICS).
Sa latest Facebook post ni Pulong nitong Miyerkules, Disyembre 17, sinabi niyang hindi maaaring magbuhos ng pondo habang may ₱1 trilyon pang hindi naibabalik.
“Hindi puwedeng habang may ₱1 trillion na hindi pa napapanagot, may bagong ₱63.9 billion na ibinubuhos na parang walang bukas,” ani Pulong.
“The Filipino people are not stupid,” pagpapatuloy niya. “Kita na nila ang pattern. Nawala nga ang pondo sa flood control,nilipat naman sa AICS na ginagawang political weapon ng mga kaalyado ng palasyo.”
Dagdag pa ng kongresista, “Buti lang sana kung napupunta lahat sa ating mga kababayan, ang masama pa eh sa experience natin on the ground ay sobra sa kalahati pa ang nawawala sa orihinal na pinangako na matatanggap ng taumbayan.”
Lumobo ng ₱37 bilyon ang pondo ng aprubadong AICS program ngayong taon kumpara sa orihinal na pondo nitong ₱26.9 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).