Sinigurado sa publiko ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na hindi na magiging ganoong kalala sa mga motorista ang sisimulan nilang rehabilitasyon sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) mula sa bisperas ng Pasko.
Ayon sa naging pahayag ni Dizon nitong Miyerkules, Disyembre 17, tiniyak niyang magiging maliit lang daw ang disruption sa mga motorista ng nakatakda nilang proyekto sa kahabaan ng EDSA.
“Ang ina-assure namin sa inyo, ang ina-assure ng ating Pangulo na minimal ang magiging disruption nito sa ating mga motorista—sa ating mga commuter,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ibang iba na ito doon sa original na plano na ni-present nitong mga earlier this year.”
Inilatag din ni Dizon ang mga bago umanong plano sa rehabilitasyon ng EDSA na may malaking kaibahan sa nauna nang opisyal na plano na inanunsyo ng DPWH nito ng taon.
“‘Yong unang plano, dalawang taon minimum ang sinabi ng DPWH. Ang sabi ng Pangulo, hindi pupuwede ‘yan. Kailangang ‘yan maiksi. So ang bagong plano, walong buwan na lang,” aniya.
Paliwanag pa niya, “May dalawang phase. Phase one, four months, Roxas Boulevard to [EDSA]-Orense. ‘Yon ang uunahin natin. Phase two, four months ulit, the rest of EDSA. ‘yon ang magiging timeline natin.”
Ani Dizon, napakalaki rin din daw ng pagkakaiba ng budget na ₱6 bilyon sa bagong plano ng kanilang isasagawa proyekto mula sa orihinal nila noong budget na ₱17 bilyon.
“Budget, napakalaki po ng deperensya. ‘Yong unang budget is 17 billion [pesos]. Dahil sa bagong teknolohiyang gagamitin natin, dahil na rin sa adjustments natin–sa customs material na inimplement na natin, six (6) billion [pesos] na lang,” pagbibida niya.
Saad pa niya, “That is less than ⅓ of the original budget of 17 billion [pesos]… 11 billion [pesos] ‘yong savings dito from the original budget. Buong EDSA na ‘yan.”
Pagpapatuloy ni Dizon, hindi na raw buong EDSA ang dadaan sa reblocking kundi ang mga kinakailangan na lang.
“‘Yong original na plano, ire-reblock ang buong EDSA. Meaning wawasakin ‘yong buong EDSA tapos papalitan ng bago, tapos aaspaltuhin. Ngayon, hindi na ‘yong gagawin. Ang re-reblock lang, ‘yong kailangang i-reblock… at nagpalabas na kami ng bagong guidelines ng reblocking. Idi-discuss ko ‘yon more later on,” paglilinaw niya.
“Pero alam mo naman, lahat tayo galit na galit sa reblocking kasi may nakikita tayo ‘yong kayganda-ganda, kaybago-bagong kalye, nakikita ninyo biglang binubungkal, winawasak. Hindi na mangyayari ‘yon. Ire-reblock lang natin ‘yong talagang kailangang i-reblock,” paghihimay pa niya.
Isa pa sa binanggit na plano ni Dizon, hindi na rin daw magkakaroon ng buong disruption sa kahabaan ng EDSA batay sa nakahanda nilang bagong plano sa pagsasaayos nito.
“Dati, buong lane idi-disrupt. Kung maaalala ninyo, ipapasara ‘yan buong araw habang ginagawa ‘yong isang linya, isasara the whole day ‘yong EDSA. Ngayon, hindi na ganon. There will be minimal disruption as you will see in the schedule of construction later on,” ‘ika pa niya.
Ayon pa kay Dizon, gagamit na rin daw sila ngayon ng Stone Mastic Asphalt Technology para sa mas mabilis at matibay na pagsasaayos ng nasabing mga kalsada.
Mc Vincent Mirabuna/Balita