December 18, 2025

Home BALITA National

LTO, kinumpiska lisensya ng utol ni Pokwang na nambatok ng magkakariton

LTO, kinumpiska lisensya ng utol ni Pokwang na nambatok ng magkakariton
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO

Kumpiskado na ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng viral ngayong driver at lumabas na kapatid ng Kapuso comedienne na si Pokwang na nambatok sa isang magkakariton. 

Ayon sa naging pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao nitong Miyerkules, Disyembre 17, sinabi niyang napakinggan na niya ang magkabilang panig kaugnay sa nangyaring eskandalo sa kalsada. 

“Hinayaan kong magpaliwanag ‘yong [magkabilang panig] pero nakita kodoon, at ‘yong mga kasamahan natin na mayroong pagmamalabis—mayroong pang-aabusong nangyari,” pagsisimula niya. 

Ani Lacanilao, mababaw raw ang katwiran ng nasabing driver dahil inakala lang nito na tinamaan ng bahagi ng kariton ang sasakyan nito. 

National

'Masaganang Pasko!' Lotto ticket na nabili sa Rizal, wagi ng ₱49.1M sa Lotto 6/42!

“Ang babaw ng katwiran niya na noong makasalubong niya ‘yong mag-ama, akala niya tinamaan ‘yong sasakyan niya, hindi pala tinamaan,” aniya. 

Dagdaga pa niya, “Bumaba siya [at] pinagmumura niya ‘yong mag-ama. Tinakot pa. May threat pa siya na papatayin niya ‘yong tatay sa harap no’ng bata. Ganoon niya sinabi.” 

Pagpapatuloy ni Lacanilao, kumpiskado na raw sa ngayon ang lisensya ng nasabing driver at tila hindi niya tinanggap ang sinabing katwiran nito sa kaniya. 

“Talagang may grounds ‘yong ginawa niya. Sa ngayon, kumpiskado na driver’s license niya. Sinasabi ko nga sa kaniya na magtatatlong buwan na ako dito. Imposibleng hindi mo alam, hindi mo naririnig ‘yong kampanya against sa road rage lalo na at taga Antipolo siya,” paliwanag niya. 

“‘Yong unang-unang araw ko dito inaksyunan ko agad ‘yong Antipolo rin ‘yong nangyari. Abuso talaga. Sinabi niya dahil nagalit siya doon sa mga tao niya bago siya pumunta doon, nadala raw niya. Pero hindi katwiran ‘yon,” pagdidiin pa niya. 

Nilinaw naman ni Lacanilao na humingi na ng pasensya ang nasabing driver at nangakong ito na raw mismo ang pupunta sa LTO kapag nasangkot ulit sa road rage. 

Tinding naman ni Lacanilao, “Hindi pupuwede ‘yong mga ganoon. Ang lisensya, hindi ninyo karapatan ‘yan. Pribilehiyo ‘yan na puwedeng bawiin anytime lalo na at ganiyan ‘yong ginawa ninyo.”

Samantala, nakatakda raw maglabas ang LTO ng resolusyon kaugnay sa desisyon nilang i-revoke ang lisensya ng nanakit na driver. 

“‘Yong license, may recommendation na kami—mayroon na kaming aksyon, dahil sa nangyari, na i-revoke ‘yong driver’s license niya. Bukas ilalabas namin ‘yong resolution kasi may basis kami kung bakit kailangan siyang i-revoke,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang naglabas ng pahayag si Pokwang kaugnay sa viral video ng driver na nanapak ng isang amang nagtutulak ng kariton habang pumapalahaw ang anak nito.

MAKI-BALITA: Pokwang, inaming utol ang nanapak sa amang nagkakariton

“May gusto lang po akong ipahiwatig. Totoo po 'yong nalaman n'yo tungkol do'n sa nag-viral na video na naka-Hilux na Toyotang puti. Opo, kapatid ko po 'yon. Galing, ano?” ani Pokwang sa kaniyang Facebook post noong Disyembre 16, 2025. 

MAKI-BALITA: ‘Hindi kayo ang biktima!’ Rep. Ridon, bumwelta sa pasaring ni Pokwang

Mc Vincent Mirabuna/Balita