Nagbigay ng paglilinaw si Kapuso actress Kylie Padilla kaugnay sa totoong kuwento tungkol sa nakalipas niyang relasyon.
Sa latest episode ng “Your Honor” kamakailan, kinlaro ni Kylie na hindi raw siya ang unang nagloko.
“Your Honor, may gusto lang po akong sabihin at ilinaw… Hindi po talaga ako ang unang nag-cheat,” saad ni Kylie.
Dagdag pa niya, “May mga naguguluhan pa, e. Gusto ko lang po talaga iklaro your Honor.”
Minsan nang lumutang ang tsikang si Kylie umano ang unang nangaliwa sa estranged husband nitong si Aljur Abrenica.
Ito ay batay sa nilahad ni showbiz insider Jobert Sucaldito sa isang episode ng showbiz-oriented vlog niyang “Oras ng Opinyon, Talakayan, at Diskusyon” o OOTD.
Tungkol ito sa pag-leak ng mga picture ni Kylie kasama ang bagong boyfriend nito noong si Jinno John Simon, na isang tattoo artist.
MAKI-BALITA: Kylie, mas nauna raw ‘nangaliwa’ kaysa kay Aljur?
Matatandaang noong Hulyo 2021, nagulantang ang mundo ng showbiz nang maghiwalay sina Aljur at Kylie.
Kalaunan ay pinaghinalaang isyu ng third party ang ugat ng hiwalayan matapos maispatan sina AJ Raval at Aljur na naglalakad sa isang mall habang maghawak ng kamay.
Nilinaw naman ni Kylie na walang kinalaman si AJ sa nasirang relasyon nila ni Aljur, matapos batikusin ng mga netizen ang dating Vivamax star at akusahang "kabit" at "third party."