Binasag na ng Potato Corner ang pananahimik kaugnay sa lumutang na isyu ng panlalansi umano sa mga franchisee nito.
Sa latest Facebook post ng Potato Corner nitong Miyerkules, Disyembre 17, nilinaw nilang hindi umano nakalinya ang panggantso sa kanilang polisiya at standard values.
Anila, “At PotCor, our franchisees are our partners, and our growth has always been built on shared success. We do not take actions that intentionally disadvantage the very entrepreneurs who help grow our brand.”
Kaya naman nakipag-ugnayan na sila sa mga indibidwal na nagpalutang ng isyu para sa magkaroon ng mas maayos na pag-unawa sa mga binanggit ng mga ito.
“While we have not received any response, our lines remain open should they wish to engage. Together with our internal investigation, we hope to address these concerns properly, dugtong pa ng Potato Corner.
Tiniyak naman nila sa kanilang franchise community na ang preventive controls at measures na ginagawa nila ay para siguruhin ang epektibo at angkop na pagpili ng lokasyon para sa kanilang franchisees.
Matatandaang batay sa kumakalat na screenshot ng social media post ng Thread user na si "yoyo_b0i," may kaibigan umano siyang nagpasa ng business proposal para mag-franchise ng Potato Corner.
Ngunit hindi na umano binalikan ng Potato Corner ang kaibigan niya. Makalipas ang ilang buwan, natuklasan na lang nito na may nakapwesto na ang French fries outlet sa eksaktong lokasyon na inihain nito sa business proposal.
Ganito rin halos ang kuwento ng isang pang Thread user na nagkomento sa post ni "yoyo_b0i." Aniya, may isang kliyente umano sa Parkmall Cebu na matagal nang franchisee ng nasabing french fries outlet.
Pero nang matuklasan ng kompanya na malakas ang sales ng franchisee sa nasabing lokasyon, hindi na ito pinag-renew ng kontrata.
Matapos nito, nagbukas ang Potato Corner doon ng company-owned store.
Maki-Balita: French fries outlet, nilansihan franchisee matapos umanong maghain ng business proposal?