January 08, 2026

Home SPORTS

EJ Obiena, aminadong nahirapan sa pagsungkit ng gold medal sa 2025 SEA Games

EJ Obiena, aminadong nahirapan sa pagsungkit ng gold medal sa 2025 SEA Games
Photo courtesy: POC Media

Hindi naging madali ang ikaapat na sunod na gintong medalya ni EJ Obiena sa Southeast Asian Games matapos niyang amining mas tumitindi ang kompetisyon sa pole vault sa naturang torneo.

KAUGNAY NA BALITA: 'PH, this is for you!' EJ Obiena inalay 'historic' 4th SEA Games Gold Medal sa Pinas

Matinding hamon ang ibinigay kay Obiena ng Thai vaulter na si Amsamang Patsapong bago niya matagumpay na nadepensahan ang kaniyang korona sa 33rd SEA Games na ginanap sa Thailand.

Bagama’t nakuha ni Obiena ang kaniyang ikaapat na sunod na SEA Games gold, kinailangan ng Filipino pole vault star na magpakita ng mas matinding paghahanda at determinasyon upang mapanatili ang kanyang titulo.

Bukod sa bronze medal: Elijah Cole, kinakiligan sa face card pati 'pangalan' niya

Parehong nalampasan nina Obiena at Patsapong ang competition record na 5.70 metro, ngunit nasungkit ni EJ ang gintong medalya sa pamamagitan ng countback matapos niyang malampasan ang taas sa unang subok, habang kinailangan ng Thai ng tatlong pagtatangka.

Ayon kay Obiena, hindi niya inakalang aabot siya sa 5.70 metro.

“I didn’t think I would jump 5.70. It’s becoming really competitive, and I’m happy with that. The SEA Games are getting tough,” ani Obiena sa isang panayam.

Inamin din ni Obiena na naging hamon ang limitadong oras ng kaniyang paghahanda, matapos niyang sabihin na wala pang dalawang buwan ang kanyang preparasyon para sa biennial sporting meet.“I had a really short preparation. We had the Manila competition, and I had three to four weeks to recover, so I only had six weeks to prepare for this. I think I need more time next time. Lesson learned,” anang two-time Olympian.

Samantala, hindi lamang si Obiena ang Pilipinong nagwagi ng medalya sa pole vault event, matapos masungkit ng kaniyang kababayan na si Elijah Cole ang bronze medal sa pamamagitan ng 5.20 meter jump.

Ikinatuwa ni Obiena ang tagumpay ni Cole at sinabing hindi naging maganda ang unang salang nito sa Cambodia, ngunit nagbunga ang kaniyang pagbabalik sa kasalukuyang kompetisyon.