December 17, 2025

Home BALITA

Esports player sa 2025 SEA Games, na-disqualify dahil sa pandaraya!

 Esports player sa 2025 SEA Games, na-disqualify dahil sa pandaraya!
Photo courtesy: Contributed photo

Pinalayas sa Southeast Asian Games (SEA Games) sa Bangkok ang isang Thai esports player matapos mapatunayang nandaya sa isang women’s Arena of Valor match, ayon sa pahayag ng Thailand Esports Federation (TESF) 

Nagresulta naman sa tuluyan ding pag-atras sa kompetisyon ang buong koponan nito.

Batay sa liham mula sa isang SEA Games delegate na inilabas ng TESF, lumabag umano ang naturang player sa mga patakaran matapos gumamit ng hindi awtorisadong third-party software o binagong hardware sa Game 1 ng kanilang laban noong Lunes.

Iniulat din ng lokal na media na nakunan sa video si Warasin habang nagpapakita ng middle finger sa gitna ng live na telecast ng naturang event sa Bangkok.

ARTA, iraratsada website para sa reklamo sa mga ahensya ng gobyerno

Ayon sa liham, matapos ang masusing imbestigasyon ay nakalap ang matibay na ebidensiya na naging basehan ng pagpapataw ng personal na parusa na nagresulta sa tuluyang pagpapatalsik sa kaniya sa buong esports competition ng SEA Games.

Kinumpirma ng TESF sa isang Facebook post na tinanggap nito ang desisyon ng mga organizer na patalsikin ang manlalaro, kasabay ng pag-anunsyo ng pag-withdraw ng buong koponan ng Thailand mula sa SEA Games.

Humingi naman ng paumanhin si TESF president Santi Lothong sa isang recorded statement. Aniya, pinagsisisihan ng buong koponan ang nagawang pagkakamali at hindi nila hahayaang masira ang imahe ng kanilang isport dahil sa sinuman.

Matatandaang isinama ang esports bilang opisyal na event sa SEA Games noong 2019. 

Sa edisyong ito, tampok ang apat na kategorya: FC Online, Mobile Legends: Bang Bang, Free Fire, at Arena of Valor, isang multiplayer online battle game.

Opisyal na binuksan ang SEA Games noong nakaraang linggo at magtatapos sa Disyembre 20 sa Bangkok at karatig na coastal province ng Chonburi, na nilahukan ng libu-libong atleta mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia.

Samantala, bahagyang natabunan ang palaro ng tensyon bunsod ng mga nagdaang sagupaan sa pagitan ng Thailand at Cambodia kaugnay ng matagal nang alitan sa hangganan. Isang araw matapos ang opening ceremony, inanunsyo ng Phnom Penh ang pag-atras ng kanilang mga atleta dahil umano sa usaping pangkaligtasan.

Sa kasalukuyan, nangunguna ang host country na Thailand sa overall medal tally, na sinusundan ng Indonesia at Vietnam.