January 07, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Boss, nabanas! Office worker na pumapasok nang maaga, sinibak sa trabaho

Boss, nabanas! Office worker na pumapasok nang maaga, sinibak sa trabaho
Photo courtesy: Freepik

Minsan, hindi rin pala nakakatulong ang "early bird catches the worm."

Pinagtibay ng isang labor court sa Alicante, Spain ang desisyon ng isang kompanya na tanggalin sa trabaho ang isang 22-anyos na empleyada matapos umano’y paulit-ulit na pumasok sa trabaho nang mas maaga kaysa sa itinakdang oras ng kaniyang duty.

Batay sa ulat ng ilang international news outlet, nakasaad daw kasi sa kontrata ng babaeng office worker na 7:30 pa ng umaga ang opisyal na simula ng kaniyang trabaho. Gayunman, nakapagtala ang kompanya ng hindi bababa sa 19 beses kung saan dumarating umano siya sa lugar ng trabaho sa pagitan ng 6:45 hanggang 7:00 ng umaga.

Ayon sa pamunuan, paulit-ulit na pinaalalahanan ang empleyada, verbal at written warning, na huwag pumasok nang mas maaga sa itinakdang oras. Iginiit ng kompanya na hindi maaaring magsimula ang anumang gawain bago ang 7:30 ng umaga at ang maagang pagdating ng empleyada ay nakaaapekto sa koordinasyon at takbo ng trabaho ng buong team.

Human-Interest

'Hangga't buhay, may pag-asa!' 59-anyos na lalaki, pumasa sa Bar Exams matapos 11th attempt

Sa pagdinig, sinabi ng mga superbisor na patuloy na sinuway ng empleyada ang malinaw na utos ng pamunuan.

Dahil dito, itinuring ng kompanya ang kaniyang kilos bilang malinaw na pagsuway o disobedience, alinsunod sa Article 54.2 ng Workers’ Statute ng Spain. Sumang-ayon ang hukuman sa posisyon ng kompanya.

Ayon sa desisyon ng korte, hindi talaga ang pagiging early bird ang naging dahilan ng pagkakasibak niya sa trabaho, kundi ang pagsuway sa utos ng mga boos at disloyalty sa mga patakaran at direktiba ng kompanya.

Dagdag pa ng hukuman, ang paulit-ulit na paglabag ng empleyada ay nagdulot ng pagkawala ng tiwala ng pamunuan, na sapat na batayan upang siya’y tanggalin nang walang kabayaran.

Binanggit din ng mga hukom na bukod sa maagang pagpasok, sinubukan pa umano ng empleyada na mag-log in sa company app bago pa man makarating sa opisina, na lalong nagpapatibay sa paratang ng malinaw na pagsuway sa mga alituntunin.

Idinagdag pa ng kompanya na nasangkot din ang empleyada sa pagbebenta ng isang ginamit na baterya ng sasakyan nang walang pahintulot, na lalo pang nakadagdag sa pagkawala ng tiwala sa kaniya.

Sa huli, pinasya ng hukuman na ang sunod-sunod na pagsuway ng office worker sa pagsunod sa utos ng management ay sapat na dahilan upang pagtibayin ang kaniyang pagkakatanggal sa trabaho.

Sa Pilipinas, bihira namang nangyayari ito, at pinupuri pa nga ng ilang mga kompanya ang mga empleyadong maagap sa kanilang pagtatrabaho. Wala pa namang napaulat sa bansa na may tinanggal na empleyado dahil sa pagiging early bird.

Ang sigurado, batay sa Labor Code, puwedeng ikatanggal ng isang empleyado ang "habitual tardiness" o kaya ang madalas na pag-AWOL o "absence without leave."

Isa rin sa mga puwedeng dahilan ay ang Gross and Habitual Neglect of Duty.