Pormal nang inanunsiyo ng ABS-CBN na may kasunduan na sila sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS), ang kompanyang nagmamay-ari at nagpapatakbo ng ALLTV, upang mapanood sa nasabing network ang ilang top shows ng Kapamilya Channel simula Enero 2, 2026.
Sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN Integrated Corporate Communications nitong Disyembre 17, 2025, sinabi na nakakuha ang AMBS ng lisensiya mula sa ABS-CBN para maipalabas ang Kapamilya Channel sa ALLTV.
Dahil dito, muling mapapanood ng mga manonood sa free TV ang ilan sa mga pinakasikat na programa ng Kapamilya network.
Kabilang sa mga palabas na inaasahang mapapanood sa ALLTV ang FPJ’s Batang Quiapo, Rojá, What Lies Beneath, It’s Showtime, ASAP, at TV Patrol, bukod pa sa iba pang programa.
Nilinaw rin na mananatiling mapapanood ang ilang piling ABS-CBN shows sa A2Z sa Channel 11 habang patuloy namang ipalalabas sa GMA ang It’s Showtime at Pinoy Big Brother Celebrity Collab 2.0.
Ang naturang hakbang ay kasunod ng desisyon ng TV5 na tapusin ang content agreement nito sa ABS-CBN na magiging epektibo rin sa Enero 2, 2026.
Ayon sa pahayag, maayos na natupad ng ABS-CBN ang lahat ng obligasyon nito sa TV5 at MediaQuest, at nagpasalamat ang network kay Manny V. Pangilinan at sa TV5 sa pagbibigay ng plataporma sa ilang ABS-CBN programs mula pa noong 2021.
Matatandaang nagsimula ang partnership ng ABS-CBN at AMBS noong 2024, kung saan nagdala ang ALLTV ng ilang piling Kapamilya programs sa ilalim ng Jeepney TV brand, pati na rin ng It’s Showtime at TV Patrol.
Kasabay nito, inilabas din ng ABS-CBN ang impormasyon kung saan maaaring mapanood ang Kapamilya Channel simula Enero 2, 2026. Ayon sa anunsiyo, available ito sa ALLTV sa Channel 2 (analog) sa Mega Manila at Channel 16 (DTT) sa digital TV. Para sa mga gumagamit ng TVplus at iba pang digital TV black box, kailangan lamang magsagawa ng channel scan upang makita ang ALLTV. Mapapanood din ang Kapamilya Channel sa cable at satellite TV, gayundin sa iWant, bagama’t maaaring mag-iba ang channel assignments depende sa lokasyon.
Sa huli, tiniyak ng ABS-CBN na nananatili ang kanilang pangako na maghatid ng mga kuwento, balita, at aliwan na nagbibigay ng pag-ibig, saya, at pag-asa sa mga pamilyang Pilipino.
“Maraming salamat, Kapamilya,” pagtatapos ng pahayag ng network.
Matatandaang kamakailan lamang, mainit na pinag-usapan ang opisyal na pahayag ng TV5 at ABS-CBN hinggil sa pagtatapos ng blocktime agreement nila, dahil sa umano'y mga financial obligation na hindi pa nase-settle ng Kapamilya sa Kapatid Network.
Kaugnay na Balita: 'TV5 is also faced with its own challenges!' TV5 sinagot ABS-CBN sa kanilang partnership deal issue