Nabigo ang team-up nina Alex Eala at Francis Casey Alcantara laban sa mga Thai na sina Patcharin Cheapchandej at Pawit Sornlaksup sa semifinals ng mixed doubles tournament ng 2025 Southeast Asian Games sa Thailand, Miyerkules.
Natalo sina Eala sa iskor na 7–5, 5–7, 7–10, dahilan upang makuntento sila sa bronze medal sa nasabing event.
Matapos ang laban, inamin ni Eala ang pagkadismaya sa resulta ngunit iginiit na ibinigay nila ang lahat sa kompetisyon.
“Obviously, the initial feeling is disappointment. When you lose and you give your all, but no regrets. I think both Kuya Nins and I, we did everything we could. In the end, doubles is really could be a game of chance. And I think our opponents played really well,” pahayag ni Eala matapos ang laban.
Dagdag pa ng 20-anyos na tennis star, masaya siya sa ipinakitang effort ng kanilang tambalan.
“I’m happy with the effort we put in. Of course, you know, feeling like we really could have won today, but in the end, so many takeaways. And I had so much fun playing mixed doubles,” ani Eala.
Bago ang kanilang pagkatalo sa semifinals, tinalo nina Eala at Alcantara ang koponan ng Singapore sa Round of 16 matapos ang 6–2, 6–2 panalo.
Samantala, may pagkakataon pa ring makasungkit ng gintong medalya si Eala sa women’s singles matapos niyang patalsikin ang home bet na si Thasaporn Naklo sa semifinals sa iskor na 6–1, 6–4.
Haharapin ni Eala ang Thai na si Mananchaya Sawangkaew sa finals sa Huwebes, Disyembre 18, kung saan may tsansa siyang makuha ang kanyang kauna-unahang SEA Games gold medal.