December 18, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Pagkakaiba ng person of interest, suspek, at perpetrator

ALAMIN: Pagkakaiba ng person of interest, suspek, at perpetrator
Photo courtesy: via MB/Freepik

Nabulabog ang social media sa mga naglabasang ulat na ayon sa Quezon City Police District (QCPD), itinuturing na nilang "person of interest" si Mark Arjay Reyes, ang fiancé ng nawawalang bride-to-be na si Sara "Sherra" De Juan, ilang araw bago sana ang kanilang nakatakdang kasal noong Linggo, Disyembre 14.

Matatandaang bumuo na ng special team ang QCPD para sa agarang pag-iimbestiga sa pagkawala ni De Juan, at hindi na rin nakasipot sa kasal sana nila ni Reyes.

Kaugnay na Balita: QCPD, bumuo ng special team para imbestigahan pagkawala ng bride-to-be sa QC

Ayon sa mga ulat, sumailalim na si Reyes sa halos pitong oras na masusing pagtatanong ng mga imbestigador kaugnay ng misteryosong pagkawala ng kaniyang bride-to-be.

Human-Interest

Boss, nabanas! Office worker na pumapasok nang maaga, sinibak sa trabaho

Tila nalito naman ang mga netizen kung ano ang ibig sabihin ng "person of interest" at kung katumbas o kapareho na rin ito ng tinatawag na "suspect."

Dapat na bang isiping si Reyes mismo ang umano'y nasa likod ng pagkawala ng kaniyang bride?

Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Babaeng ikakasal na sana, ilang araw nang nawawala; fiancé, umapela ng tulong

PAANO NAGKAIBA-IBA ANG PERSON OF INTEREST, SUSPEK, AT PERPETRATOR?

Ayon sa abogadong si Atty. Mark Tolentino, sa panayam sa kaniya ng isang programa sa DZRH News Television noong 2017, may tatlo raw na dapat tandaang terminolohiya sa mga taong magkaroon ng kaugnayan sa isang kaso: ito ay ang "person of interest," "suspect o suspek," at "perpetrator."

Naimbitahan si Tolentino sa programa upang tanungin tungkol sa mga terminolohiyang ito, na may kinalaman sa isang estudyanteng umano'y namatay sa hazing sa isang kilalang pamantasan sa Maynila, noong 2017.

Aniya, kapag sinabing person of interest ang isang tao, siya ay iniimbitahan lamang upang makapangalap ng mga impormasyon ang mga awtoridad gaya ng mga pulis o law enforcer, na gagamitin naman para sa imbestigasyon.

Tumutukoy rin ito sa isang indibidwal na may mahalagang kaugnayan sa isang iniimbestigahang kaso, ngunit hindi pa itinuturing na suspek o inaakusahan ng krimen. Halimbawa, puwedeng ang person of interest ay taong huling nakausap, nakaalitan, o nakasama ng biktima bago naganap ang isang krimen.

Maaari siyang may direktang ugnayan sa biktima o sa pangyayari, maaari siyang nakapanayam, iniimbestigahan, o minomonitor ng mga awtoridad, pero wala pang pormal na kaso o ebidensiyang nagsasaad na siya ang may sala. Ang pagtukoy bilang person of interest ay hindi katumbas ng pagkakasala.

Pagdating sa pagtatanong ng mga awtoridad, imbitasyon lamang at hindi sapilitan. Wala raw awtoridad ang pulisya na damputin ang isang itinuturing pa lamang na person of interest kung sakaling tumanggi siyang magbigay ng mga impormasyon.

Pero kapag ang person of interest daw ay nakitaan na ng "probable cause" sa krimen, dito na papasok ang pagiging suspek. Ibig sabihin, ang person of interest ay puwedeng maging suspek, lalo na kung ang mga ibinibigay niyang impormasyon ay "iba" o taliwas sa mga ebidensya o paunang imbestigasyon dito.

Kapag sinabi namang "suspek," allegedly, siya ang gumawa o may kinalaman sa krimen. May nakitaan daw kasing probable cause, may dahilan, o hinala na siya ang nasa likod ng isang krimen. Kaya naman, maglalabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ng korte para sa isasagawang pagtatanong.

Pero kapag ang suspek daw ay napatunayang may sala o convicted, ang itatawag na ay "perpetrator." Ibig sabihin, may desisyon na ang korte sa kaso, na ang nabanggit na indibidwal talaga ang nagsagawa ng krimen.

Mabalik sa pagiging person of interest, puwede raw kuwestyunin ng isang person of interest ang paraan ng pagtatanong sa kaniya ng kapulisan o imbestigador.

Kailangan daw na gawing klaro ng person of interest kung mananatili siya sa kustodiya ng pulisya o puwede pa siyang umalis at makauwi kapag sumasagot sa mga tanong sa kaniya, dahil anumang sabihin niya ay maaaring gamiting ebidensya laban sa kaniya. Sa kalagitnaan ng tanungan, puwede raw maging suspek ang person of interest.

Kapag sinabing kailangan niyang manatili sa kustodiya ng pulisya, dapat siyang magkaroon ng abogado, o kailangang bigyan siya ng abogado, alinsunod sa Saligang-Batas.

SI REYES BILANG PERSON OF INTEREST

Kaya naman, sa eksklusibong panayam ng Balita kay Reyes kung anong saloobin niya tungkol sa pagiging person of interest (at hindi suspek) tungkol sa pagkawala ni De Juan, sinabi niyang ayos lamang daw ito sa kaniya, para gumulong na ang imbestigasyon para sa pagkawala ng mapapangasawa niya.

"Okay lang po sakin. Basta gumulong ang imbestigasyon at masiguro 'young agarang paghahanap po kay Mahal," aniya.

Nagbigay rin siya ng reaksiyon sa mga lumulutang na espekulasyong baka isang kaso ng "runaway bride" ang nangyari.

"Si Lord na lang po ang bahala sa kanila,” ani Mark kaugnay ng mga espekulasyon.

"Kaming pamilya po ang mas nakakaalam ng nangyayari."

"Siya ang pinaka-excited sa aming lahat," aniya pa, kaya hindi raw magagawa ng kasintahan na takbuhan ang kanilang kasal.

Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Groom-to-be ng nawawalang bride sa QC, 'person of interest' na; nag-react

Habang patuloy ang imbestigasyon at paghahanap, umaasa ang pamilya at mga mahal sa buhay ni Sherra na madiskubre ang katotohanan at mabigyan ng linaw ang kanyang biglaang pagkawala, sa halip na manaig ang mga haka-haka sa social media.

Maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero:

0967-1270-266
0917-8368-166
0912-3353-694