Gumagawa na ngayon ng hakbang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para malaman kung totoo umano ang mga pumutok na balita tungkol pagbisita sa bansa ng dalawang suspek sa mass shooting incident sa Bondi Beach sa Sydney, Australia noong Disyembre 14, 2025.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nitong Miyerkules, Disyembre 17, sinabi niyang nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang mga ahensya sa bansa at maging sa mga foreign counterpart tungkol sa pagbisita nina Sajid Akram at anak nitong si Naveed Akram sa Pilipinas.
“Sa ngayon po, ang Armed Forces of the Philippines, patuloy po tayong nakikipag-ugnayan sa iba pong mga concerned agencies at sa atin din pong mga foreign counterpart,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Para po ma-verify natin ‘yong mga ulat nga po na inilabas dito sa mga foreign channel tungkol po sa sinasabing pagbisita ng dalawang indibidwal dito sa Pilipinas.”
Ani Padilla, nakumpirma pa lang nila mula sa Bureau of Immigration (BI) na pumasok ang mag-amang Akram sa Manila at nagtungo sa Davao kung saan ay doon umano sila nanatili nang aabot sa isang buwan.
“Currently po ang na-gather natin is ‘yon din pong pronouncement dito po ng BI na pumasok po sila sa Manila and then from Manila proceeded to Davao po for a period of almost a month,” aniya.
Hindi naman sumang-ayon si Padilla sa mga usap-usapan ng publiko na may nakapulong na “extremist” ang nasabing mag-ama sa Davao bago maganap ang naturang insidente ng pamamaril sa publiko.
“Wala pa po tayong validated information na nag-uugnay sa kanila sa anomang activities po na napaulat na ganiyan,” giit niya.
“Mahalaga po sa atin na malinaw tayo sa lahat ng ating pahayag at makita doon sa aksyon nila na nakabatay po dapat tayo sa kumpirmadong datos,” pahabol pa ni Padilla.
Aabot sa kabuuang 16 ang bilang ng mga nasawi sa naganap na mass shooting incident noon sa Sydney, Australia.
MAKI-BALITA: 16, patay sa mass shooting ng mag-ama sa Sydney
Tumagal umano sa 10 minuto ang pamamaril ng 50 anyos at 24 anyos na mag-amang suspek sa Bondi Beach kung saan naitalang aabot sa 1000 na mga tao ang nagdalo para makiisa sa kanilang event.
Habang 15 naman naiulat na nasawing mga biktima na bababa sa 10 anyos na gulang ang pinakangbata at 87 naman ang pinakamatanda.
Samantala, kasamang nasawi ang 50 anyos na suspek sa pamamaril sa mismong pinangyarihan ng insidente habang kritikal sa hospital ang 24 anyos nitong anak.
MAKI-BALITA: 2 suspek sa pamamaril sa Sydney, nagtungo sa Pinas noong Nobyembre—BI
Mc Vincent Mirabuna/Balita