Nagbigay ng paalala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon sa mga bagong talagang District Engineer at Assistant District Engineer sa Bulacan.
Ayon sa isinagawang pagpupulong nina Dizon sa first district office ng DPWH sa Malolos, Bulacan noong Lunes, Disyembre 15, sinabi niyang nagbilin siya kina Officer-in-Charge (OIC) District Engineer Kenneth Fernando at OIC Asst. District Engineer Paul Lumabas na huwag gagayahin ang mga ginawa nina dating District Engineer Henry Alcantara at Assistant Engineer Brice Hernandez.
“Ang kabilin-bilinan ko lang sa kanilang dalawa, huwag kayong gagaya doon sa mga papalitan ninyo,” pagsisimula niya.
Pahabol pa niya, “Huwag na huwag kayong gagaya.”
Ani Dizon, maaari rin daw mangyari kina Lumabas at Fernando ang nangyayari ngayon kina Alcantara at Hernandez kung gagayahin nila ang mga ito.
“Kasi kung gumaya kayo, kung anong mangyari sa kanila, ‘yon din ang mangyayari sa inyo. And
I don’t think you want that to happen to you or your families,” pagdidiin niya.
Pagpapatuloy pa ni Dizon, dapat daw na gawin na nila ito ngayon nang tama at baguhin ang nasabing sistema sa naturang sistema.
“Let’s do this right. Gawin na natin ito nang tama, baguhin na natin ito. ‘Yong ginagawa natin dito sa 1st DEO Bulacan, ‘yon din ang gagawin natin everywhere,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang iginiit ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na posible umanong manatili sa kustodiya ng Senado ang kontraktor na si Curlee Discaya at Alcantara, Hernandez at Jaypee Mendoza, hanggang 2028, hangga't hindi naglalabas ng arrest order ang Supreme Court (SC).
MAKI-BALITA: Kung walang arrest order ang SC: Curlee Discaya, DPWH engineers, kulong sa Senado hanggang 2028
"Mapipilitan kami, based on the SC ruling na pagdating ng June 2028, ire-release namin sila," ani Sotto noong Oktubre 19, 2025.
Paglilinaw naman niya, "Of course. Ibang usapan na ‘yon. Oras na pinapaaresto na sila ng korte, di naman puwedeng di ko ibigay ‘yon."
MAKI-BALITA: Curlee Discaya at iba pa magpa-Pasko, Bagong Taon sa Senate detention?
Mc Vincent Mirabuna/Balita