December 18, 2025

Home BALITA Probinsya

Tatay na patungo sanang Negros para sa anak na may sakit, nawawala!

Tatay na patungo sanang Negros para sa anak na may sakit, nawawala!
Photo courtesy: Diana Villaluz/FB

Nagpapatuloy ang panawagan ng pamilya Villaluz para sa agarang tulong ng publiko matapos umanong mawala ang 53-anyos na si Danilo Villaluz, na bumiyahe sakay ng Batangas–Caticlan ferry noong gabi ng Disyembre 13, ngunit hindi na nakarating sa kaniyang destinasyon sa Negros.

Ayon sa Facebook post ng anak niyang si Diana Villaluz, nagpasya ang kanilang ama na umuwi ng Negros upang dalawin ang kapatid na naka-confine sa South Bacolod General Hospital.

Bago umalis ang ferry bandang alas-9:00 ng gabi, nakipag-ugnayan pa umano si Danilo sa pamilya; masiglang tumawag, nagpaalam, at nagpadala pa ng selfie bago sabihing magpapahinga muna siya.

Gayunman, pagsapit ng umaga ng Disyembre 14, wala nang natanggap na kahit anong mensahe o tawag mula kay Danilo. Inakala ng pamilya na maaaring lowbat lamang ang kaniyang cellphone, subalit lumipas ang buong araw na wala pa ring balita, kahit inaasahan sanang makarating siya sa Bacolod bandang hapon.

Probinsya

Pulis, namaril ng sundalo sa Zamboanga City; love triangle daw?

Lumala ang pangamba ng pamilya nang lampas alas-11:00 na ng gabi ay may isang lalaking sumagot sa telepono ni Danilo, na nagpakilalang staff ng ferry na sinakyan nito. Kinumpirma ng kompanya na nakasakay nga si Danilo sa naturang biyahe.

Mas lalo pang nagdulot ng pag-aalala ang impormasyong natagpuan at isinuko ng isang pasahero ang mga personal na gamit ni Danilo, kabilang ang kaniyang backpack, sling bag, sapatos, ID, pera, at cellphone, ngunit wala ang mismong may-ari.

Agad na nakipag-ugnayan ang pamilya sa mga kamag-anak sa Maynila at Iloilo sakaling may pinuntahan o binalikan si Danilo, ngunit wala ring impormasyon ang mga ito.

Naglunsad naman ng search and rescue operations ang Philippine Coast Guard (PCG) para hanapin si Danilo.

Sa kasalukuyan, patuloy na humihingi ng tulong ang pamilya Villaluz sa sinumang maaaring may alam sa kinaroroonan ni Danilo Villaluz. Samantala, hinihintay din ang opisyal na pahayag at paliwanag ng ferry operator hinggil sa insidente.

Ang sinumang may impormasyon ay hinihiling na makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero:

0947-636-1564 – Rosdan Jay Villaluz

0963-103-9559 – Diana Rose Villaluz

0939-835-3473 – Dexter Villaluz