Binengga ni Kapuso comedienne Pokwang ang mga nakisakay sa isyu ng kapatid niyang nanapak ng amang magkakariton kabilang na ang umano’y politikong taga-Bicol.
Sa latest Facebook post ni Pokwang nitong Martes, Disyembre 16, pinaalala ni Pokwang sa nasabing politiko ang batas tungkol sa cyberlibel.
“Do’n po sa mga ibang politikong nakisakay po na hindi naman taga-Antipolo, nakakaloka!” sabi ni Pokwang. “Nag-post pa kayo, Sir. Alam n’yo na kung sino kayo. Alam ko, taga-Bicol kayo.”
Dagdag pa niya, “Ingat po kayo. Mambabatas pa naman kayo. So alam po n’yo dapat ‘yong tinatawag na cyberlibel, cyberbullying, Sir.”
Ayon sa komedyante, pinost umano ng politikong ito ang buong mukha ng pamilya niya
“Isa lang ang may kasalanan pero buong pamilya namin [ang pinost]. Nasa’n po ‘yong privacy? ‘Yong proteksyon po ng pamilya ko?” dugtong pa niya.
Iginiit ni Pokwang na bagama’t hindi siya kumakampi sa ginawa ng utol niya, nag-iingat dapat ang politiko sa mga ibinabahagi nito sa social media.
Sa huli, muli siyang humingi ng paumanhin sa mag-amang napag-initan ng kapatid niya.
Samantala, sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng utol ni Pokwang sa loob ng 90 araw habang pinapagulong ang imbestigasyon sa nasabing insidente.